Home NATIONWIDE Max housing loan, itinaas ng Pag-IBIG sa P10M

Max housing loan, itinaas ng Pag-IBIG sa P10M

74
0

MANILA, Philippines – Itinaas ng Pag-IBIG Fund ang maximum housing loan nito sa ₱10 milyon kada borrower upang mapalawak ang access sa long-term home financing para sa middle-income at mas mataas na kumikitang mga manggagawang Pilipino, ayon sa mga opisyal.

Ayon sa ahensya, layunin ng hakbang na suportahan ang Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino o Expanded 4PH Program at tugunan ang oversupply ng ready-for-occupancy housing units, lalo na sa Metro Manila at iba pang highly urbanized areas.

Sinabi ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, na siya ring chair ng Pag-IBIG Fund Board of Trustees, na mas maraming miyembro ang makakabili ng bahay na malapit sa kanilang trabaho at kabuhayan.

“With the higher PHP10-million loan ceiling, Pag-IBIG Fund can now serve more members, especially Filipino workers who seek homes in higher price segments but still require long-term and affordable financing,” ani Aliling.

Dagdag niya, naaayon ang hakbang sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing mas inklusibo at abot-kaya ang pabahay.

Ayon naman kay Pag-IBIG Fund CEO Marilene Acosta, sumasalamin ang pagtaas ng loan ceiling sa mandato ng ahensya na pagsilbihan ang lahat ng sektor ng manggagawa.

Nilinaw din niya na mananatiling dumaan sa credit evaluation, capacity to pay, at iba pang loan requirements ang mas mataas na loan limit upang matiyak ang responsableng pangungutang.

Dagdag ni Acosta, maaaring umabot hanggang 30 taon ang pagbabayad ng housing loan na may interest rate na kasing baba ng 5.75 percent depende sa fixing period.

Layunin din ng programa na gawing mas abot-kayang alternatibo sa pag-upa ang pagmamay-ari ng bahay, lalo na sa mga urban area kung saan mataas ang renta.

Ayon sa mga opisyal, layunin ng polisiya na paglapitin ang housing supply at kakayahan ng mga mamimili, habang hinihikayat ang mga developer na mag-alok ng mas abot-kayang housing packages. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here