Home METRO May-ari ng 2 sasakyang inabandona sa Pampanga, iniimbestigahan sa P9B droga sa...

May-ari ng 2 sasakyang inabandona sa Pampanga, iniimbestigahan sa P9B droga sa Batangas

MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Philippine National Police na tinukoy nila ang may-ari ng 2 abandonadong sasakyang natagpuan sa San Luis, Pampanga bilang persons of interest sa nasabat na P9.6 bilyong halaga ng illegal na droga sa Alitagtag, Batangas.

Ayon kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, natukoy na nila ang pagkakakilanlan ng dalawang may-ari ng sasakyan na kabilang sa kanilang persons of interest (POI).

“Nag-match yung mga nakuhang dokumento sa loob ng sasakyan at based sa ating verification sa LTO ay lumalabas na ito pong Land Cruiser na black ay pagmamay-ari, nakapangalan sa isa sa sa mga persons of interest natin… Same thing doon sa white Ford Explorer ay naibenta na rin yan at yung nakakabit na plaka nung dumaan sa Batangas ay yan ay yun din yung totoong plaka niya at naibenta na rin yan doon sa isa sa mga POIs natin,” pahayag ni Fajardo sa panayam ng ABSCBN News.

“I cannot give the specific identification nitong mga POIs dahil ongoing yung case buildup natin. What I can share with you ang nakapangalan at nakabili doon sa dokumento ng sasakyan is the same POIs na nagrenta nung bahay sa Nasugbu, Batangas,” dagdag pa niya.

Ayon naman sa isang opisyal, sa ginawang pagsusuri ng Forensic Group ay negatibo ang dalawang sasakyan sa drug residue, ngunit may nakitang mga bote sa loob ng sasakyan na isinasailalim pa sa testing.

Sa pakikipag-ugnayan naman sa Bureau of Immigration, ang tinukoy na mga persons of interest ay nasa bansa pa.

Isinasagawa pa rin ang case buildup kaugnay sa naturang kaso, kasabay ng pagtugis sa iba pang sasakyang posibleng may kaugnayan sa mga nasabat na illegal na droga. RNT/JGC