KAAKIBAT na yata ang pamimili ng mga kandidato ng boto tuwing eleksyon kung saan itinuturing pa rin umanong pangunahing garantiya para masungkit ang inaasam-asam na puwesto.
Naging ordinaryong tanawin ang pagtanggap ng kuwarta ng mga botante mula sa mga kandidato nitong isinagawa pa lang na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections o BSKE kung saan mula sa tumatakbong kagawad ay namumudmod ng tig-P500 hanggang P1,000 samantalang P1,000 hanggang P5,000 naman ang ipinamigay ni kapitan.
Maniwala kayo sa hindi, may isang barangay sa bayan kong sinilangan sa Masbate na umabot sa P20,000 hanggang P36,000 bawat botante ang ipinamahagi ng dalawang magkatunggaling inilubog sa pera ang kanilang nasasakupan.
Ito na yata ang pinakamalaking halaga ng vote buying na naganap sa lugar na itong kilala sa malawakang bentahan ng boto noon pa man.
Sa ganitong sitwasyon, wala nang pinipiling halalan ang pamimili ng boto ng mga kandidatong kung susuriin ay maliit lang ang sweldo ng poder na ‘yan subalit pinaniniwalaang magiging gatasan ng ilang buwayang iniluklok lalo na sa ilang mala-sindikatong transaksyon sa barangay.
Ang isa pa, batid ng lahat na ang mga burgis na pulitiko ng kada probinsya ang nagsilbing financiers ng mga tumatakbong kandidatong bahagi ng kanilang paghahanda sa darating na lokal na eleksyon sa 2025.
Ibig sabihin, tumaya ang mga “siga” ng lalawigan sa kanilang mga manok nitong ginanap na BSKE upang maseguro na ang panalo nila sa napipintong botohan may dalawang taon pa mula ngayon.
Sa madali’t sabi, pera-pera na talaga ang halalan ngayon kung saan nawala na ang tunay na mithiin ng ‘political exercise’ na itong kinain na ng baluktot na sistema nang maruming politika sa bansa.
Ano pa kaya ang aasahan ng taumbayan sa mga lider na itong tanging ang may salapi ang siyang may karapatan ngayon mamuno sa bansa?
Nasaan na ang ipinangangalandakan ng mga awtoridad na malinis na halalan?