Home OPINION BSKE, TAPOS NA PERO ‘DI PA TAPOS

BSKE, TAPOS NA PERO ‘DI PA TAPOS

SA kabuuan, naging tahimik naman ang halalang pam-Barangay at Sangguniang Kabataan.

May ilang kakaiba nga lang na naganap kumpara sa nakaraang mga halalan at maaaring may maganap pa dahil sa Nobyembre 29 talaga magtatapos ang kabuuang panahon ng halalan.

19 LANG ANG PATAY

May mahigit 130 na election related incidents umano mula sa itinuring na 365 hot spot barangays ang naganap.

Mula Agosto 28 hanggang Oktubre 30, 2023 ang mga ‘yan.

Pero nasa 29 pa lang ang kumpirmadong may kaugnayan sa halalan habang sinusuri pa ang nasa 113 kung nauugnay ang mga ito o hindi.

Nasa 19 pa lang naman ang napapatay hanggang Oktuber 30 sa mahigit dalawang buwang panahon ng halalan at karaniwan nang mas mahigit dito ang nasusugatan.

Kung tutuusin, maliit lang ang bilang ng namatay at nasugatan kaya maituturing na tahimik sa kabuuan ang halalan.

Mahigit 42,000 ang barangay sa buong bansa at kakapiranggot lang ang tinamaan ng buwis-buhay na pulitika.

KAKAIBA SA BARMM

Sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao naganap ang kakaiba.

Una, dito naganap ang karamihan sa mga patayan na mismong mga asawa o kapitan o kandidatong kapitan ang pumapatay, bukod sa mga wala pang suspek.

Ikalawa, mahigit sa 2,500 guro ang hindi sumipot sa mga presinto o kaya’y basta na lamang ding umalis sa hindi pa malinaw na mga kadahilanan.

Ikatlo, mismong mga pulis na naatasang pumalit sana sa mga titser kung may aberya ang umayaw ring mag-duty bilang mga poll officer.

Pero kahit nangyari ito, sinasabi ni Commission on Elections Chairman George Garcia na walang failure of elections.

Pero inaalam pa ang mga tunay na dahilan ng pag-atras ng mga poll officer na teachers.

Maaaring managot ang mga titser o pulis na hindi nagsilbing poll officers.

Kaya lang, may pasubali naman si Interior Secretaty Benhur Abalos.

‘Yung bang === mag-iimbestiga ang pamahalaan kung may mabigat na dahilan ang mga titser at pulis na umayaw magsilbi sa presinto o nasa presinto na ngunit lumayas din sa kalaunan.

KAKAIBA RIN SA ABRA

Sa 27 na bayan sa Abra, tatatlo lang ang walang umatras na mga kandidato.

Pero karamihan umano ang nagsiatrasan ang may mga malalapit na kamag-anak na nakapwesto sa gobyerno.

Madidiskwalipika sila kung malaman ng Comelec na may mga malalapit na kamag-anak sila sa gobyerno.

Hindi na kasi katulad noon na ang kapitan o mayor o gobernador o kongresman o senador o Pangulo na may anak, pinsan, ina, ama, lolo, lola ay pupwedeng kumandidato nang sabay-sabay para kapitan, kagawad, SK chairman at SK kagawad.

Lahat ng biyaya sa kanila, lalo na ang salaping bayan.

Paano kaya ilalarga ang patakarang B/SK sa matataas na posisyon?

Hindi naman kaila na karaniwang ang Pangulo ay may kapatid o ina o anak o pinsan na senador, kongresman, gobernador, mayor at iba pa.

Ganito rin ang sa hanay ng mga senador, kongresman, gobernador, mayor at iba pa.