Mariing pinabulaanan ni Mayor Nelmar Sarmiento ng Jomalig, Quezon ang malisyosong kumalat at napabalitang merong POGO umano sa kanilang isla.
Sa surprise visit, nasaksihan mismo ng media na nagtungo sa lugar na ang mga itinuturong pugad umano ng POGO ay walang basehan at ni isa ay walang nakikita, katulad na lamang sa Light House na hindi pa ito tapos, at ilalagay ito pang tourists attraction ng kanilang isla at pagtulong sa mga mangingisda na mapadpad sa lugar dahil gagawin itong Parola.
Mismong may-ari ng Sea Horrison Resort ay pumalag sa pagpapakalat na pugad umano ang kanilang lugar ng POGO.
Ayon pa kay Mayor Sarmiento, hindi nakakatulong sa kanilang isla munisipalidad ang mga ganitong pagpapakalat ng maling impormasyon sa publiko dahil nagdudulot lamang ito ng kalituhan at kasiraan ng kanilang pangunahing pinapasyalan ng mga turista.
Kung pagsusumahin, maliit lamang ang kanilang isla na isang munisipalidad at lahat ng residente rito ay magkakakilala na madali lamang matunton ang mga baguhang mukha kung meron mang ginagawang mga iligal na aktibidad sa kanilang bayan.
Ang bayan ng Jomalig ay limang barangay lamang at halos nasa 8,000 ang populasyon ng nakatira rito at lahat ng business na nakalagak sa isla ay fully monitored ng lokal na pamahalaan.
Sinabi ni Mayor Sarmiento na handa siya sa anumang imbestigasyong gagawin ng Kamara at ng Senado dahil wala siyang itinatago sa kanyang paglilingkod.
Hirit pa ng Alkalde na ito ay isang politically motivated na paninira lalo na’t malapit na ang halalan sa 2025.
Itinatak ko na sa likod ko ang mapa ng Jomalig kasama ng pamilya ko, ibig sabihin ganon ko sila kamahal. Kaya bakit ako papayag na sirain ng kung sino lang. Lalabas st lalabas din ang katotohanan niyan,” ani Mayor Sarmiento. RNT