MANILA, Philippines – Ipinatawag ng Land Transportation Office ang drayber na illegal na gumamit ng EDSA busway at sinubukan pang takasan ang isang enforcer, sinabi ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) nitong Martes, Setyembre 3.
Sa social media post, sinabi ng SAICT na nakaranas ito ng “dangerous and reckless incident involving a driver who defied authority and attempted to endanger the life of one of its operatives” noong Agosto 29, bandang 4:47 ng hapon sa EDSA Bus Carousel lane.
Nang hingin ng enforcer ang driver’s license ng drayber ng Toyota Hilux pickup ay tumanggi ito at agad na tumakas.
Kalaunan ay nagpakilala ang drayber bilang si “Mayor Perez of Bulacan,” sinabi ng SAICT.
“This incident underscores the urgent need for stricter enforcement of traffic laws and the protection of SAICT operatives who are working tirelessly to ensure the safety and integrity of the busway system,” pahayag ng transport agency.
Gagawa ng legal na hakbang ang ahensya laban sa drayber para mapanagot sa mga aksyon nito.
Natukoy na rin ng LTO ang plate number ng sasakyan at inatasan ang drayber nito na humarap sa Intelligence and Investigations Division (IID) ng LTO Office sa Setyembre 4. RNT/JGC