MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang municipal mayor, dalawang bodyguard nito, at drayber sa checkpoint sa Sirawan, Toril, Davao City dahil sa paglabag sa election gun ban.
Sa spot report mula sa Police Regional Office 11 nitong Miyerkules, Pebrero 5, pinara ang sasakyan bandang alas-10 ng gabi ng Pebrero 4.
Sa pagsisiyasat, nakita ng mga awtoridad ang exposed na handle grip sa kaliwang bahagi ng drayber.
Nang busisiin ay nakita ang isang hindi tukoy na kalibre ng baril sa floor mat ng sasakyan, at sa pagitan ng paa ng isang pasahero sa back seat.
Kalaunan ay kinilala ng PRO 11 ang sakay ng sasakyan na si Mayor Anwar Zumpaga Saluwang ng Nabalawag.
Natukoy naman ang dalawang pasahero sa sasakyan bilang mga bodyguard ni Saluwang.
Nahaharap ang apat na suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591, o Firearms and Ammunition Regulation Act, at Omnibus Election Code of the Philippines. RNT/JGC