MANILA, Philippines – Umaasa ang Pilipinas na magpapatuloy pa rin ang pondo mula sa Estados Unidos sa kabila ng 90-day foreign aid freeze na ipinag-utos ni President Donald Trump habang sinusuri pa ang ‘efficiency’ at ‘consistency’ nito.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, bagamat nakatatanggap ang bansa ng malaking suporta mula sa Estados Unidos sa pamamagitan ng US Agency for International Development (USAID), kailangan pa rin nitong maghintay para sa final order ni Trump.
“Hintay muna tayo… Hindi po natin alam. Medyo malaki po ang aid na binibigay sa atin, not just the US, but other development partners natin so let’s see kung kaya,” ani Pangandaman.
Ito ay kasunod ng pag-iisyu ng “stop-work” order ng US State Department para sa lahat ng existing foreign assistance at paghinto sa mga bagong ayuda.
Ipinasara ang headquarters ng USAID sa Washington noong Pebrero 4.
Kabilang sa mga programang pinopondohan ng USAID ay ang programa para sa maternal health at nutrition sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
“We’re just hopeful that after the review, they will still provide funding for projects as such,” ani Pangandaman.
No comment naman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay sa pag-freeze ng US foreign assistance.
Inaayos na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang posibilidad ng pagpupulong sa pagitan ni Trump at Marcos sa hinaharap.
Bago nito, siniguro ni Marcos na mananatili ang malakas na alyansa ng dalawang bansa. RNT/JGC