MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Pasig City Mayor Vico Sotto nitong Lunes, Setyembre 23, na pinoproseso na ang notice of salary adjustment ng mga empleyado ng lokal na pamahalaan.
Sinabi ni Sotto na ang pagsasaayos ng suweldo ay alinsunod sa Executive Order (EO) 64 o ang Salary Standardization Law 6, na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Agosto.
Idinagdag niya na ang pagtaas ng suweldo ay magiging retroactive mula Agosto 15.
“May adjustment po tayo at effective August 15 ang ating ordinance, so kahit September 23 na po ngayon ay effective August 15 ang ating salary adjustment kaya sana po ay magagamit natin ng maigi ang karagdagang sahod po natin,” anang alkalde.
Pinaalalahanan niya ang mga empleyado ng lungsod na gamitin nang matalino ang kanilang pagtaas ng suweldo.
“Yung August 15 hanggang ngayong September ay ituring na natin ‘yun na parang bonus. Paalala lang po, h’wag natin gastusin ang pera bago pa po natin [ito] matanggap. Alam ko masaya po ang bawat isa at congratulations sa ating lahat,” dagdag pa ni Sotto.
Sinabi ng Public Information Office (PIO) na nag-iiba ang pagtaas ng suweldo kada salary grade.
Sa ilalim ng EO 64, ang na-update na suweldo ay nalalapat sa lahat ng tauhan ng gobyernong sibilyan sa mga Sangay na Tagapagpaganap, Pambatasan, at Hudikatura; Mga Komisyon sa Konstitusyon; at iba pang tanggapang konstitusyonal.
Ang mga Government-Owned or-Controlled Corporations (GOCCs) na hindi sakop ng “GOCC Governance Act of 2011” at EO No. 150 (s.2021) at ang Local Government Units (LGUs) ay saklaw din ng EO 64. RNT