MANILA, Philippines- Hindi tumitigil ang 1-Rider Partylist para sa pagpasa ng batas na magbibigay ng legal na pagkilala at malinaw na regulasyon sa mga motorcycle taxi (MC taxi).
Ang MC taxi ay isang uri ng transportasyon na patok sa mga pasaherong naghahanap ng mabilis, abot-kaya, at maaasahang masasakyan sa araw-araw.
Ayon kay 1-Rider Rep. Rodge Gutierrez, malaking tulong sa commuters at riders ang pagpasa ng House Bill No. 10424 o ang “Motorcycle-for-Hire Act” na layong bigyang-proteksyon ang hanapbuhay ng mahigit 60,000 riders na kasalukuyang nasa industriya ng MC taxi.
“Panahon na para kilalanin sa batas ang motorcycle taxi. Kulang na kulang ang pampublikong transportasyon. Kailangan ng tao ng alternatibong ligtas, mabilis, at hindi mahal,” ani Gutierrez.
Dagdag niya, mahigit 60,000 riders ang nakadepende sa industriya. Kaya ang panukala ay hindi lang tungkol sa pasahero, kundi para rin sa hanapbuhay ng libu-libong Pilipino.
Naipasa na ng Kamara ang panukala noong Hulyo 2024 at hinihintay na lang ang bersyon ng Senado. Si Gutierrez ay siyang principal author nito at tumatakbo ulit ngayon bilang number one nominee ng 1-Rider.
Kanyang binigyang-diin na parte ito ng mas malawak na layunin na gawing moderno, maayos, at patas ang sistema ng trapiko at transportasyon sa bansa. Kabilang din sa mga naihain ni Gutierrez ang National Traffic Centralization Act at Fair Traffic Apprehension Act.
“Lalaban tayo hanggang maging batas ito. Hindi lang ito para sa riders—para rin ito sa bawat commuter na araw-araw sumasakay,” aniya. RNT