Home NATIONWIDE MC taxi ops sa NCR ‘wag na lawakan para iwas-disgrasya – solon

MC taxi ops sa NCR ‘wag na lawakan para iwas-disgrasya – solon

ISINUSULONG ni Manila 3rd District Congressman Joel Chua ang pagpapatigil sa pagpapalawak ng operasyon ng mga motorcycle taxi sa Metro Manila bilang hakbang para maiwasan ang maraming bilang ng aksidenteng kanilang kinasasangkutan.

Sa ginanap na pagdinig ng Committee on Metro Manila Development, sinabi ni Chua na kung may gagawing pagpapalawak sa dami ng mga motorcycle taxi, dapat ay gawin na lamang ito sa labas ng Metro Manila upang hindi na makadagdag sa masikip ng daloy ng trapiko sa Kamaynilaan.

Hinimok din ni Cong. Chua ang Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Land Transportation Office (LTO) na pigilan ang paglaganap ng motorcycle (MC) taxi sa Metro Manila kasabay ng paggamit pa sa katagang “Walang Dagdag Kung Walang Bawas”.

Nagbabala naman ang Kongresista sa masamang epektong idudulot ng pagdami ng MC taxi sa mga tsuper at kanilang pamilya ng mga tradisyunal na pampublikong sasakyan tulad ng jeepney at tricycle dahil mahihirapan na silang punuin ng pasahero ang ipinapasadang sasakyan.

Naniniwala si Cong. Chua na dapat proteksiyunan ang kabuhayan ng mga tsuper ng tradisyunal na pampublikong sasakyan na aniya ay nagsilbi na bilang pangunahing transportasyon sa Metro Manila sa matagal na panahon.

Dumalo rin sa naturang pagdinig sina Digital Pinoys National Campaigner Ronald gustilo, Laban TNVS President Jun De Leon at mga kinatawan ng National Public Transport Coalition, Pasang Masda, at maging mga taxi driver na pawang nagpahayag ng kanilang sentimyento sa paghina ng kanilang hanay sanhi ng pagdami ng MC taxi sa mga lansangan.

Tiniyak naman ng LTFRB na maglalabas sila ng tugon kaugnay sa mungkahing pagpapatigil sa paglawak ng MC taxi pati na rin ng kanilang posisyon sa isyu sa loob ng pitong araw.

Bago matapos ang pagdinig, umalingawngaw ang masiglang pakiusap ni Cong. Chua sa silid ng kongreso hinggil agarang katugunan sa kanyang makabuluhang pakiusap na batid niyang makakatulong sa lahat.

Naniniwala si Chua na ang pagpigil sa pagpapalawak ng MC taxi sa Metro Manila ay magsisilbing sigaw ng pagkakaisa para sa pagpapanatili at pantay-pantay na kinabukasan lalu na’t nararapat bigyang prayoridad, higit sa lahat, ang mga mananakay at tsuper ng mga tradisyunal na pampublikong sasakyan. JAY Reyes

Previous articleShowtime, mapapanood na sa GMA; Vica Ganda, emosyonal!
Next articleTulak timbog sa P7.2M marijuana