MANILA, Philippines – Hindi na kailangan na magpalabas pa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng medical bulletin para lamang patunayan na wala itong seryosong sakit.
Binigyang diin ng Malakanyang na hindi naman ‘life-threatening’ ang sakit ng Pangulo na diverticulitis.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary and Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na nagpapalabas lamang ng medical bulletin sa mga kasong ang isang indibiduwal ay may seryosong sakit.
“Sa ating pagkakaalam po, kapag naglabas ng medical bulletin, dapat serious illness. Kung sinabi ng Pangulo na hindi ito life-threatening, so bakit kakailanganin ang medical bulletin,” aniya pa rin.
Kaya nga, hinikayat ni Castro ang publiko na huwag maniwala sa kanyang inilarawan na “made-up stories” na kumakalat ngayon ukol sa kalusugan ni Pangulong Marcos, sabay sabing nagpapatuloy ang Pangulo sa kanyang opisyal na tungkulin.
Nauna rito, napaulat na umano’y kumakalat na impormasyon patungkol sa paglala ng lagay ng kalusugan ni Pangulong Marcos matapos itong ma-diagnose kamakailan ng “diverticulitis.”
Nakasaad kasi sa nasabing mensahe na natanggap ng ilang reporters mula sa isang “unknown number at source,” na ang sakit umano ni PBBM ay “deteriorated severly” na bunsod ng “drug use.”
Nagkaroon din daw ng “cyst and showed clear sign of perforation” na kung hindi maaagapan, ay magdudulot ng “life-threatening results” sa Pangulo.
Kung unknown number ‘yan, e ‘di unknown din ang source niyan. So kung unknown ang source niyan, so malamang gumagawa ng kuwento ‘yan,” ang pahayag ni Castro.
Kaya nga aniya huwag masyadong paniwalaan ang mga kumakalat sa social media na hindi verified at walang ibang source.
Natanong din siya kaugnay sa hindi pagdalo ni Pangulong Marcos sa Pagpupugay 2025, na siyang dinaluhan naman ni Executive Secretary (ES) Ralph Recto. Aniya, maayos naman ang Pangulo sapagkat nadaluhan nito ang oath-taking ni Philippine National Police (PNP) Chief Jose Melencio Nartatez Jr. nito ring Miyerkules, Enero 28.
“Ngayon po, um-attend po siya sa oath-taking po ni General Nartatez Jr., kaya masasabi po natin na gumaganda, umiigi, umaayos po ang kalusugan ng Pangulo matapos po siyang ma-diagnose ng doktor patungkol sa Diverticulitis,” ang sinabi ni Castro.
Sinabi pa ni Castro na hindi pa tiyak kung makadadalo na ba si PBBM sa mga pagpupulong at kaganapan na isasagawa sa labas ng Palasyo.
“Sa ngayon po, hindi po natin masasabi—at ang sabi nga po ni ES Ralph Recto ay pinapa-relax muna ang ating Pangulo. Pero sabi po natin, um-attend po siya ng activity ngayon, [nagkakaroon] po siya ng private meetings, so umiigi po ang kalusugan ng Pangulo,” ayon pa rin kay Castro. (KRIS JOSE)