MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine National Police (PNP) na nakatakda itong magsumite ngĀ official medical findings ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy sa Pasig Regional Trial Court.
Ito ay kasunod ng naunang mosyon ng kampo ng pastor sa Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 159 para sa hospital arrest ni Quiboloy at isa niyang co-accused, si Ingrid Canada, sa Davao City.
Bilang tugon, inatasan ng hukom ang PNP na pangasiwaan ang medical checkup ni Quiboloy sa government doctors.
Inihayag ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na nakasalalay sa Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 159 kung ibabase ang desisyon sa findings ng mga doktor mula sa PNP General Hospital, o kailangan pang magsagawa ng hearing, base sa ulat noong Linggo.
Giit ni Fajardo, rerespetuhin ng PNP ang desisyon ng Pasig court.
Sinabi pa niyang nasa maayos na kondisyon ang kalusugan ni Quiboloy, batay sa daily assessment ng mga nurse sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, kung saan siya kasalukuyang nakaditene. RNT/SA