Home NATIONWIDE Pagkakaugnay ng ex-PNP chief kay Alice Guo tatalupan ng CIDG, PAGCOR

Pagkakaugnay ng ex-PNP chief kay Alice Guo tatalupan ng CIDG, PAGCOR

MANILA, Philippines- Nakatakdang makipagpulong ng Criminal Investigation Detection Group (CIDG) kay Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) official Raul Villanueva ngayong linggo upang pag-usapan ang alegasyon ng umano’y pagkakaugnay ng isang Philippine National Police (PNP) chief kay dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo.

Sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na makikipag-ugnayan ang CIDG, ang grupong inatasang mag-imbestiga sa akusasyon, kay Villanueva “to clear this issue once and for all.”

“Meron na pong ugnayan ang CIDG at ang PAGCOR, particularly si General Villanueva. I understand itong linggo na ito, magkakaroon ng pagpupulong,” pahayag niya sa panayam nitong Linggo.

“Kung ano man ang magiging paksa at ano ang kalalabasan ng pagpapulong na ‘yan, we will be transparent about it,” patuloy ng opisyal.

Noong Martes, sinabi ni Villanueva, retired general at dating commanding officer ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP), na isang dating PNP chief ang tumulong umano kay Guo na maalis ng bansa. Bahagi rin umano ang dating police official ng “monthly payroll” ni Guo.

Sa kasalukyan, inihayag ng PNP na iniimbestigahan nito ang 24 sa mga dati nitong pinuno kaugnay ng mga alegasyong isa sa kanila ang tumulong kay Guo na tumakas mula sa Pilipinas kapalit ng malaking halaga ng pera.

Ang PNP ay may 30 hepe kabilang ang kasalukuyan nitong pinuno na si Police General Rommel Marbil. Sa 29 dating PNP chiefs, lima ang pumanaw na, kaya 24 pangalan na lamang ang natira.

“Wala tayong sasantuhin dito. Masakit ito para sa PNP dahil you can just imagine, isang dating chief PNP ang sinasabing nagpatakas. Hindi lang ito within the confines ng isyu ng trust in confidence ng ating mamamayan,” giit ni Fajardo.

“This concerns national security because you can just imagine a former chief PNP helping persons like Alice Guo na tumakas, and worse tumatanggap ng payola,” dagdag niya.

Naaresto si Guo, iniuugnay sa illegal POGO hub na nadiskubre sa Bamban, sa Indonesia at ibinalik sa Pilipinas upang harapin ang mga kaso laban sa kanya, kabilang ang human trafficking at money laundering. RNT/SA