
SINASABING may rigodon sa Kamara at Senado ukol sa liderato.
Binubuo ang rigodon ng maaaring palitan ng liderato sa Kamara at Senado.
Pero tila walang gaanong paggalaw sa Kamara dahil pumirma na umano ang higit na nakararaming kongresman para sa super majority umano sa ilalim ni Speaker Martin Romualdez.
Pero sa Senado, tila may mga gumagalaw para madiskaril ang pamumuno ni Senate President Chiz Escudero.
Itong si Chiz, kilala sa pagiging astig niya sa pagharap sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Simple lang ang praktikal na rason niya, “Inupuan ninyo ang impeachment ng ilang buwan, tapos, mamadaliin ninyo ang Senado sa impeachment trial!”
Pero talagang hindi ito nagpatinag sa sulsol o tulak ng mga anti-Sara na kongresman na simulan na ang impeachment trial, kahit sa gitna ng nakaraang halalan.
Itinaga niya sa bato ang ligal niyang rason na hindi pupwedeng magkaroon ng impeachment trial habang naka-recess ang buong Kongreso at pupwede lang simulan ito mula sa Hunyo 2025.
Ito kaya ang dahilan kung bakit gusto na siyang sibakin bilang Senate President?
Hindi siya masunurin sa mga diyos-diyosan sa pulitika na sa feeling nila ay mas makapangyarihan sa Senado at sa sinoman.
Ito kaya ang dahilan kung bakit pilit na siyang pinatatalsik sa pwesto?
Kung ito ang pinakadahilan, hindi magandang larawan ito ng Senado na nagsasabing magkakapantay ito at ang Kamara at Ehekutibo.
Hindi magandang tingnan na madalas na makimeryenda ang mga Senador sa Palasyo at paglabas ng mga ito, everybody happy sila.
Sana naman, hindi gagawin ng sinomang senador ang makimeryenda habang naghahanda sila bilang mga Hukom sa Impeachment Court para maiwasan ang pagdududa sa kanilang pagiging walang kinikilingan at tinitingnan o tinititigan.
Senator Jinggoy Estrada, anong say mo na nakaranas sa dalawang impeachment sa buhay mo?