
KAHAPON tinalakay natin ang ukol sa produksyon sa bigas.
Sinabi nating kung hindi itodo ang produksyon ng bigas, hindi sustainable ang programang P20/kilo bigas.
‘Yun bang === hindi magtutuloy-tuloy ang programa dahil walang sapat na ani sa Pilipinas na pagkukunan ng bigas na mura at mapakikinabangan dapat ng lahat ng mamamayan at hindi ng iilan lamang.
Ayon mismo sa pamahalaan, kinukulang ang Pilipinas ng ani at umaabot ang kakulangan sa nasa 3-4 milyong toneladang bigas taon-taon at hindi ito nalalayo sa tantiya ng United States Department of Agriculture na talagang malaki ang kakulangan sa bigas kaya mananatili ang bansa na pinakamalaking importer.
Sa 2026, kailangan itong mag-angkat ng 5.5M tonelada.
Kaya naman, kung kulang ang produksyon natin, subsidiya o mula sa buwis at hindi sa ani ang pundasyon ng programa.
Hindi tumutugma ito sa katotohanang mayaman at mataba ang kalupaan ng Pinas para sa produksyon ng bigas.
ILANG MUNGKAHI
Kahapon, nagmungkahi tayo ng limang paraan para lumakas ang produksyon ng bigas.
Pero nais nating bigyan ng pansin ang kumbersyon ng mga lupang sakahan na nagaganap ngayon kahit saan, lalo na sa mauunlad na lugar, lungsod, bayan at lalawigan.
Tingnan na lang ang ulat ng Philippine Statistics Authority noong 2018.
Ayon sa PSA report noong 2018, noong 1980, may 3,649,882 ektaryang palayan ngunit noong 2012, naging 1,904,301 ektarya na lamang o nabawasan ng 1.7M ektarya.
Pero nitong 2023, mismong ang PSA pa rin ang nag-ulat na may 4.82M ektaryang palayan.
Ayon naman sa National Irrigation Administration, noong 2023, may 3.12M ektaryang palayan at 65.28 porsyento nito ang may irrigasyon at inaasahang magkakaroon din ng irigasyon ang dinedebelop pang 1M ektarya.
Sa rekord naman ng DAR, umabot sa 4.5M ektarya ang palayan, pero kasama na rito ang mga taniman ng mga tubo at niyog.
Ipagpalagay na lang na mali ang 2018 report ng PSA at tama ang 2023 report, magkakatugma, bagama’t may mga diperensya na naglalaro pa rin sa 3M ektarya ang palayan simula pa noong 1965.
Kung nananatili ang nasa 3M ektaryang palayan, dapat palakasing nang mabilis ang libreng patubig gaya ng nasimulan ni dating Pangulong Digong Duterte.
Kapag sagana ng tubig ang palay, pwera bagyo at baha, tiyak na magdodoble ang produksyon ng palay dahil dalawang beses na mag-ani ang mga magsasaka.
MABUNGANG BUTIL IKAMBAL
Naglalaro sa 40-80 kabang palay kada ektarya ang ani mula sa mga ordinaryong butil.
Subalit mayroon na ngayong mga butil na nagtitiyak ng doble ani, kung buo na maalagaan ang mga ito ng lahat ng kailangan, mula patubig hanggang sa abono, pestisidyo, herbicide at iba pa.
Naririyan naman ang katulad ng Philippine Rice Research Institute sa Central Luzon State University, Munoz, Nueva Ecija, UP Los Banos-PhilRice at International Research Institute at PhilRice na nakakalat din sa Isabela, Ilocos Norte, Bicol, Negros, Agusan, North Cotabato, Bukidnon, Mindoro, Samar at Zamboanga na walang tigil sa pagtuklas ng butil para sa doble ani, bukod sa masusustansyang bigas.
Kung pagsamahin ang sapat na patubig at magandang butil, diyan makakamit ang masaganang ani at maging matatag ang programang P20/kilong bigas.