MANILA, Philippines- Nagpasaklolo na sa Supreme Court (SC) ang Duterte Youth (Duty to Energize the Republic Through the Enlightenment of the Youth) partylist group na hindi kasama sa iprinoklama ng Comelec nitong Lunes bilang nanalong party-list groups.
Hiniling ni Duterte Youth chairman Ronald Cardema na maglabas ang SC ng temporary restraining order (TRO) laban sa resolusyon ng Comelec bilang National Board of Canvassers (NBOC) na nagsususpinde sa proklamasyon ng Duterte Youth na nakakuha ng isang pwesto sa darating na 20th Congress.
Una nang sinabi ng Comelec na may mga alegasyon laban sa Duterte Youth na kailangang resolbahin kaya sinuspinde ng komisyon ang proklamasyon nito kasama ang isa pang party-list group na Bagong Henerasyon.
Ang Duterte Youth ay ikalawa sa partylist race matapos makakuha ng 2,338,564.
Iginiit ng mga petitioner na ang NBOC Resolution No. 14-25 ay labag sa Saligang Batas at hindi naaayon sa Section 7, Article VI ng Konstitusyon.
Inakusahan din ni Cardema ang Comelec na pilit na binubuhay umano ang lumang kaso na nadesisyunan na ng SC noon pang 2019.
Ipinaliwanag ni Cardema na ang reklamo ng vote-buying at ang kabiguan na magparehistro bilang party-list ay naresolba na noong 2019.
“First, let me tell you, that case has existed since 2019 but we were still given a proclamation for the 2019 election. In 2022, the case was still there but we were also allowed to join the partylist election and we were proclaimed as among the winners,” ani Cardema.
Inakusahan ni Cardema ang Comelec na nakagawa ng grave abuse of discretion nang suspendihin ang proklamasyon ng Duterte Youth na kaduda-duda umanong inanunsyo pa ilang oras bago magsimula ang nakatakdang proklamasyon.
“If they had told us last week, we could have done something about it, but it seems it was intentional on their part to inform us just three or four hours before the proclamation,” dagdag ni Cardema. Teresa Tavares