PINALAMPAS na ng mga taga-Metro Manila ang pagiging abusado ng ilang miyembro ng Philippine National Police noong 2024 lalo na ang mga lulan ng police cars at motorcycles.
Noong nakalipas na Pasko at Bagong Taon, masigasig sa paggamit ng wangwang at blinker ang mga pulis na palaging nagmamadali at ayaw na maipit sa traffic na alam naman nilang “normal” lang sa kamaynilaan kapag huling buwan na ng taon.
‘Bully’ ang ilan sa mga pulis na ito na ang tingin sa sarili nila ay mga “hari ng kalsada” at kailangang tumabi ang ibang sasakyan kapag sila na ang dumaraan.
May mga pagkakataong gamit ang mobile police car, kahit walang emergency ay inaabuso ng ilang pulis ang kanilang posisyon at walang tigil sa pagwangwang at blinker kung saan minsan ay gumagamit pa ng megaphone para patabihin ang ilang sasakyan na nauuna sa kanila at napahinto bilang respeto sa traffic light.
Buong pag-aakala ng inyong Pakurot dahil tapos na ang mga okasyon na nagdudulot ng matinding traffic sa kalye ay pahinga rin sa pagiging abusado at bully sa kalye ang mga pulis na gumagamit ng mga marked vehicle. Laking pagkakamali dahil noong Sabado bandang alas 10 ng gabi habang papauwi mula sa probinsiya at lulan ng aking sasakyan at nakahinto sa crossing ng Mindanao Avenue patungo sa NLEX, bigla na lang umalingawngaw ang tinig mula sa megaphone o car PA system na nagpapatabi sa aking sasakyan dahil paraan daw ang bumbero.
Dahil sa pag-aakalang emergency, kaagad na nagbigay daan ang inyong lingkod sa sasakyang mula sa Mindanao Avenue Extension-NLEX patungong Maynila. Ang masaklap lang, mobile car pala ng Police Security and Protection Group (PSPG 18) na binubuntutan ng isang mahabang sasakyan (NEY 2877) na may mga kasunod pang Sports Utility Vehicle patungong Quezon City.
Hindi isyu ang pagbibigay daan ng inyong Pakurot sa mga bully na sasakyang ini-escortan ng PSPG, ang isyu ay naka-red light ang traffic sign sa lugar na posibleng maging sanhi ng disgrasya ang pagiging abusado nitong PSPG na may mga VIP na baka kaya lang nagmamadali ay dahil sa “tawag ng kalikasan”.
Dapat, kinakastigo ni PBGen Nestor Babagay Jr., director ng PSPG, ang kanyang mga tauhang gumagamit ng wangwang, blinker at PA system para lang magpa-impress sa kanilang ini-escortang VIPs.
Kaya lang, baka naman ang order ay galing mismo sa kanya, wala na talagang magagawa para matigil ang pang-aabuso sa kalye ng mga pulis na bully.