SADYANG walang pakialam ang gobyernong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. para sa tunay na kapakanan nating mga Pilipino.
Isinantabi ni BBM ang mga pangamba sa posibleng maling paggamit sa pondo para sa taong ito matapos niyang isama sa nilagdaan ang alokasyon na isiningit ng Kongreso sa 2025 national budget na tinatawag na Ayuda para sa Kapos Ang Kita Program o AKAP.
Pangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development, ang AKAP ay duplicate ng isa pang DSWD-run unconditional cash dole-out, ang AICS o Assistance for Individuals in Crisis Situations.
Naging kontrobersyal ang AKAP matapos itong maiugnay sa ill-advised signature campaign para amyendahan ang Konstitusyon.
Kahit idinedepensa ng DSWD na walang sinomang politiko na makapanghihimasok sa pamamahagi ng AKAP ay marami pa rin ang hindi naniniwala.
Gagamitin lang daw ang pondo ng AKAP sa layuning pampulitikal ng mga kakampi ni BBM sa darating na eleksyon sa Mayo.
E hindi ba’t “nadulas” si Sen. Grace Poe, tagapangulo ng Senate committee on finance, na ang mga miyembro ng House of Representatives ay may bahaging P21 bilyon sa AKAP appropriations habang ang mga senador ay nakakuha ng P5 bilyon.
Nagpalakas ito sa duda ng publiko na ang pondong AKAP, maging ang AICS ay gagamitin lang talaga ng mga politikong “kabagang” ng administrasyon sa kanilang pag-epal sa publiko para sa darating na halalan.
Magagawa bang talaga ng DSWD na pagbawalan ang mga politiko na umepal sa pamamahagi ng ayuda kung nariyan at gumagana na ang panggigipit ng “buwaya” sa kanila?
Ang pagbabawal sa mga epal na politiko sa pamamahagi ng AKAP at AICS ay isang malugod na hakbang at palawakin ito lampas sa panahon ng kampanya.
Dapat isama sa mga alituntunin ang pagbabawal sa pagpapakita ng mga politiko saanman sa bansa ng anomang materyal na naghahangad ng kredito para sa anomang programang tulong ng DSWD.
Walang pampublikong opisyal ang dapat kumuha ng personal na kredito para sa anomang proyekto o programang ang pondo ay mula sa dugo at pawis ng taumbayan.
Patunayan ng DSWD na walang kupit o mapupunta nang buo sa Pilipinong mahihirap ang salaping bayan na inilaan sa pagtulong at hindi sa pansariling interes ng mga politikong kakampi ng kanilang “boss” sa Malakanyang.