Home HOME BANNER STORY Mga aktibong pulis sa P6.7B drug mess, isinailalim sa restrictive custody

Mga aktibong pulis sa P6.7B drug mess, isinailalim sa restrictive custody

MANILA, Philippines – Nasa ilalim na ng restrictive custody ang lahat ng aktibong pulis na sangkot sa 2022 drug case mess sangkot ang 900 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon.

Ayon kay Philippine National Police spokesperson Col. Jean Fajardo nitong Lunes, Enero 13, ito ay kasunod ng paghahain ng kaso ng National Prosecution Service (NPS) sa mga ito dahil sa pagtatanim ng ebidensya, pagkaantala at pakikialam sa prosekusyon sa drug case laban sa 30 police officers.

Sa 30 pulis, sinabi ni Fajardo na tanging 22 na lamang ang aktibo.

“PNP chief Marbil gave an instruction to his staff to put into restrictive custody and disarm these 22 active PNP personnel pending the possible issuance of warrants of arrest,” pahayag ni Fajardo.

Para sa mga nalalabing respondents, tatlo ang nagretiro na, dalawa ang nag-compulsory retired, at dalawa ang nadismiss. Isa naman ang nagbitiw sa pwesto.

Ani Fajardo, ang walong dating pulis ay hindi na masasampahan ng kasong administratibo dahil wala nang hurisdiksyon sa kanila ang PNP.

Sa kabila nito ay hindi naman nila matatakasan ang mga reklamong kriminal.

Sa naunang resolusyon, sinabi ng NPS na bigong makapagsagawa ang mga pulis ng ‘lawful arreest’ sa pulis na hinihinalang may kaugnayan sa drug trade at isa pang indibidwal na sangkot din dito.

Ang operasyon ay nagresulta sa pagkakaaresto kay Police Master Sergeant Rodolfo Mayo and Ney Atadero at pagkakasamsam ng bilyong pisong halaga ng shabu.

Iniulat na naaresto si Atadero noong Oktubre 8, 2022 sa isang buy bust operation, habang si Mayo ay noong Oktubre 9 sa Maynila.

Ipinresenta ng pulisya ang dalawang kilo ng shabu na nakuha mula kay Mayo.

Sa kabila nito, sinabi ng NPS prosecutors na batay sa mga ebidensya, ang dalawang naaresto ay “simulated.” RNT/JGC