SURIGAO DEL SUR, Philippines – Narekober ng 30th Infantry Battalion sa utos ng 401st Infantry Brigade ang apat na high-powered firearms, bala, at iba pang gamit na itinago ng komunista New People’s Army (NPA) sa isinagawang operasyon noong Biyernes sa San Miguel, Surigao del Sur.
Ayon kay Col. Glenn Joy Aynera, acting commander ng 401Bde, natagpuan ang mga armas sa liblib na lugar ng Sitio Comarobcob, Barangay Carromata, kabilang ang tatlong M16A1 rifles, isang Colt M4 rifle, at 173 rounds ng bala kasama ang mga magasin, bandolier, backpacks, at iba pang gamit.
Ani Aynera, ang mga armas at bala ay itinago ng natitirang miyembro ng Sub-Regional Sentro De Grabidad (SRSDG) Westland sa ilalim ng North Eastern Mindanao Regional Committee ng NPA.
Ayon kay Maj. Gen. Michele Anayron Jr., commander ng 4th Infantry Division, lalo nitong pinahina ang kakayahan ng natitirang SRSDG Westland sa lugar at patunay ng tagumpay ng targeted military operations laban sa teroristang grupo.
Noong Marso 11, nakarekober din ang 30IB ng R4 rifle, ilang bala, magasin, at personal na gamit ng parehong grupo sa Sitio Lago, Barangay Carromata.
“Patuloy naming hinihikayat ang natitirang miyembro ng communist terrorist group sa lugar na sumuko. Tinitiyak namin na handa ang gobyerno na tulungan sila at magsimula ng mapayapang buhay kasama ang kanilang pamilya at komunidad,” ani Anayron. RNT/MND