MANILA, Philippines – PORMAL na nanumpa sa tungkulin ang bagong pamunuan na opisyal ng Cavite Press Corps (CPC) para sa taong 2026–2028 noong Agosto 21, 2026.
Isinagawa ang oathaking ceremony sa harap ni National Press Club President Mina Navarro, na sumisimbolo sa panibagong pananagutan ng mga mamamahayag na nagsisilbing tagapagdala ng impormasyon at boses ng publiko sa gitna ng patuloy na pagbabago ng larangan ng pamamahayag.
Mula kanan, tampok sa larawan sina Gene Adsuara ng Abante Tonite, President; Sid Samaniego ng Pilipino Mirror, Vice-President; Margie Bautista ng Remate, Secretary; Irine Gascon ng Police Files, Treasurer; at Jon Cagande ng Cavite News Today, Auditor.
Sa ikalawang hanay mula kaliwa ay sina Jimmy Barrientos ng Sparkle, Board of Director; Janice Baricuatro ng Bulgar, Chairman of the Board; Dennis Abrina ng Manila Times, Board of Director; Ma. Cristina Go Timbang ng Pilipino Star Ngayon, Board of Director; at Rex Molines ng Diyaryo Pinoy, Member.
Hindi lamang isang simpleng pagpapalit ng mga opisyal ang naturang oathtaking.
Kaakibat nito ang mas mabigat na hamon na panatilihin ang integridad, kredibilidad at kalayaan ng pamamahayag, lalo na sa panahon kung kailan mabilis kumalat ang impormasyon at maging ang maling balita ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa publiko.
Bilang organisasyon ng mga mamamahayag sa Cavite, nananatiling mahalaga ang papel ng CPC sa pagtataguyod ng propesyonalismo at responsableng pamamahayag, gayundin sa pagbibigay-puwang sa mga isyung direktang nakaaapekto sa mga mamamayan ng lalawigan.
Nasaksihan din ang makabuluhang okasyon ng mga opisyal ng National Press Club, kabilang sina President Mina Navarro, Secretary Leonel Magistrado Abasola, Treasurer Jeane Lacorte at Auditor Lydia Bueno, kasama ang mga miyembro ng NPC Board of Directors na sina Jojo Sicat, Muhammad Aya Yupangco, Madelynne Dominguez, Jun Mendoza, Irwin Zuproc, Dennis Napule at Nino M. Aclan.
Sa pagsisimula ng kanilang termino, nakaharap sa bagong pamunuan ng Cavite Press Corps ang hamon na higit pang patatagin ang pagkakaisa ng mga mamamahayag at panatilihing buhay ang prinsipyo na ang pamamahayag ay hindi lamang trabaho, ito ay pananagutan sa katotohanan at serbisyo sa publiko. Margie Bautista