MANILA, Philippines- Inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) senior official na 32 bata mula sa Children’s Joy Foundation, Inc. (CJFI), isang residential center na kaanib ng Kingdom of Jesus Christ, ang nasa DSWD residential care facilities na o kasama na muli ng kanilang mga pamilya dahil sa expired operating license ng foundation.
Sa isang media forum, sinabi ni DSWD Assistant Secretary for Standards and Capacity Building Group Janet Armas na ang Certificate of Registration and License to Operate (CRLTO) ng CJFI ay napaso na para sa lima nitong pasilidad sa Central Luzon (Region 3), Calabarzon (Region 4-A), Central Visayas (Region 7), Davao Region (Region 11), at sa National Capital Region (NCR).
Sa 32 bata, 13 ang nasa ilalim ng kustodiya ng DSWD at Social Welfare and Development Agencies (SWDAs), habang 14 ang nakabalik na sa kanilang mga pamilya, base kay Armas.
Ang natitirang lima naman ay nasa foster care o naghahanda para sa malayang pamumuhay, dagdag niya.
Kasunod ang pagsusuri sa limang CJFI centers sa kautusan ng Senado sa DSWD na rebyuhin lahat ng SWDAs na may kaugnayan sa KOJC upang matiyak ang kapakanan ng mga bata, sa gitna ng mga alegasyon ng child abuse at human trafficking laban kay KOJC founder Apollo Quiboloy.
Napag-alaman ng DSWD na hindi nakaabot ang CJFI sa mga rekisitos para sa pag-renew ng CRLTO nito. RNT/SA