Home OPINION MGA ‘BIDA’ NITONG HALALAN

MGA ‘BIDA’ NITONG HALALAN

BIDANG-BIDA ang Commission on Elections dahil sa matagumpay na resulta ng 2025 midterm elections sa bansa.

Naipatupad ang orderly and peaceful elections, in general, sa national and local government units. Pero dapat ba Comelec lang ang pasalamatan?

Tama naman ang mga senador na nagpasalamat matapos ang botohan sa mga guro, pulis, sundalo, manggagawa, media at volunteers na buong pusong ginawang responsibilidad ang panata nila para sa pagnanais na maging bahagi ng matahimik, ligtas at maayos na halalan.

Ang mga lingkod bayan na ito ang mga bida subalit hindi nabigyan ng tamang pagkilala dahil akala ng marami ay talagang trabaho nila ang pagseserbisyo sa halalan. Isang halimbawa ng mga ito ay ang guro at media volunteers kasama ang mga watchers.

Kahit mga liblib na lugar na talaga namang delikado ay tinungo nitong mga guro, pulis, sundalo, mediamen, iba pang manggagawa at volunteers upang maisakatuparan lang ang halalan na inaasahang magpapabago ng kalagayan ng ating bansa.

Ang mga guro ang nagsilbing mahigpit na bantay ng mga balota upang makasiguro na ligtas ito sa anomang dayaan kahit pa malagay sa bingit ng alanganin ang kanilang buhay.

Ganoon din ang mga pulis at sundalo na handang ialay ang kanilang sariling buhay makatiyak lang na mapangangalagaan nila ang demokrasya sa bansa.

Maging ang mga tauhan ng Department of Health, National Red Cross at iba pang frontliners tulad ng Department of Education Task Force at Parish Pastoral Council for Responsible Voting members and volunteers na talagang nagpuyat upang makasiguro na hindi magkakaroon ng dayaan sa halalan at bilangan ng mga balota.

Maging ang mga media practitioner ay dapat ring pasalamatan sapagkat sila ang mabilis na kumikilos at nagbibigay ng tamang impormasyon sa panahon ng halalan malagay man sa panganib ang kanilang buhay.

Dahil maganda ang resulta ng halalan, unti-unting ibabalik ang tiwala ng taumbayan sa Comelec at sa mga lingkod bayan na nagiging bahagi ng halalan sa bansa.

Inaasahan na bagaman tapos na ang halalan, itutuloy pa rin ng Comelec ang kanilang ginagawang pagtalakay sa mga nakabinbing protesta kaugnay sa mga reklamo sa mga kandidato lalo na kaugnay sa pamimigay ng mga ito ng ayuda o kaya naman ay pamimili ng boto.

Totoong hindi matatawaran ang ginawang trabaho ng mga kumilos para sa tahimik at maayos na halalan ngayong 2025. Sila ang dapat na mabigyan ng mataas na pagkilala mula sa pamahalaan sapagkat hindi matatawaran ang kanilang dedikasyon sa kanilang trabaho at serbisyo sa mamamayan at sa bayan.