Home OPINION ISKO AT CHI ‘LANDSLIDE VICTORY’ SA MAYNILA

ISKO AT CHI ‘LANDSLIDE VICTORY’ SA MAYNILA

YOU can never put a good man down”, isang katagang hango sa ilan lamang sa mga matalinhagang kataga na binitawan ni Haring Solomon ng Kaharian ng Israel noong unang panahon.

Ganyan ang maaaring ihambing sa tinatamasang tagumpay ngayon ni Manila Mayor-elect Francisco “Isko Moreno” Domagoso na bantog sa tawag na “Yorme” matapos umani ng isang katerbang boto nitong nakaraang halalan.

Bukas sa publiko, hindi lamang ang talambuhay ni Yorme bilang isang dating basurero, aktor, at program host, kundi kung ano ang kanyang nagawa sa Maynila sa loob ng maikling panahon ng kanyang panunungkulan.

Nakapanghihinayang nga lang na hindi niya nasungkit ang pinakamataas na posisyon sa pamahalaan dahil kung sakali at nagtagumpay, baka sa loob ng anim na taon sa panunungkulan ay maikukumpara na ang Maynila sa Singapore na matagal na rin naman niyang pangarap.

Nang suportahan nga ni Yorme Isko ang kandidatura noon ni Mayor Honey Lacuna, nakikita niya na mapapanatili ng alkalde at kanyang mga kaalyado sa pulitika ang kalinisan at kaayusan ng lungsod na kanya nang pinasimulan.

Kaya lang, kung personal kayong magtutungo ngayon sa area ng Divisoria, sa kahabaan ng Blumentritt, maging sa Carriedo at Rizal Avenue, tiyak na madidismaya kayo hindi lang dahil papawisan pati singit ninyo sa masikip na daloy ng trapiko, kundi maging sa nagkalat na basura.

Bukod pa rito ang masangsang na amoy sa malaking bahagi ng C.M. Recto sa Divisoria dahil kahit nadampot nga ang malaking bulto ng basurang iniwan ng mga negosyante ng gulay, hindi naman maayos na nai-spray-an ng tubig kaya naroon pa rin ang mapanghi at mabahong amoy.

Personal din itong nasaksihan ni Yorme sa kanyang pag-iikot sa lungsod, pati na ang pagkabahala sa mga nangyayaring krimen, kaya sinasalubong siya ng napakaraming tao na sumisigaw ng katagang bumalik ka na. Isang pakiusap ng mamamayan na hindi niya magawang tanggihan.

Sabi ng alkalde, kung siya nga lamang, masaya na ang kanyang buhay sa piling ng kanyang pamilya, pero ang hindi niya kayang talikuran ay ang panawagan ng mga Manilenyo.

Dito na niya kinausap si Mayor Honey at sinabi ang panawagan sa kanya ng mamamayan pero hindi sila nagkasundo, and the rest is history, ika nga.

Bago pa lang magsimula ang kampanya, nakakatanggap ni si Yorme ng mga pasaring sa kanyang magiging katunggali, kabilang ang una’y kawalan ng utang na loob dahil itinuring daw siyang anak at tinuruan ng namayapang dating Vice Mayor Danny Lacuna na ama ng alkalde.

Katuwiran ni Yorme, habambuhay niyang tatanawing utang na loob ito sa dating bise alkalde pero mahalaga rin sa kanya ang utang na loob sa taumbayan kaya minabuti niyang tugunan ang panawagan ng mga ito.

Ngayon si Yorme, muling magbabalik bilang alkalde ng Maynila kasama ang kanyang katambal na si Vice Mayor elect Chi Atienza, bitbit ang pangakong lilinisin muli nila ang lungsod at ibabalik ang kapanatagan ng loob ng mamamayan.