Home METRO Mga biyahero, balik Maynila tapos ng Semana Santa

Mga biyahero, balik Maynila tapos ng Semana Santa

169
0

MANILA, Philippines – Nagsisimula nang dumami ang mga sasakyan sa mga pangunahing expressway habang bumabalik sa Metro Manila ang mga motorista matapos ang Semana Santa, ayon sa mga awtoridad.

Mahigpit na mino-monitor ang sitwasyon lalo na sa North Luzon Expressway (NLEX), kung saan napansin na ang unti-unting pagdami ng sasakyan bandang alas-4 ng hapon kahapon.

May naitalang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Mabiga, Mabalacat, San Fernando, at San Matias River Bridge sa Santo Tomas, Pampanga. May congestion din sa Guiguinto, Plaridel, at Balagtas sa Bulacan.

Sa kabila nito, sinabi ng ilang driver na mas maayos pa rin ang biyahe kumpara sa mga nakaraang taon.

Karaniwang inaabot ng 12 hanggang 14 oras ang biyahe mula Bicol papuntang Maynila tuwing Semana Santa, pero ngayong taon ay umabot lamang sa halos 10 oras.

Naghanda naman ang mga terminal para sa mas mabigat na daloy ng pasahero ngayong Lunes. Mahigit 1,000 pasahero na ang bumiyahe mula sa Bicol Central terminals, at fully booked na ang mga biyahe pabalik ng Maynila hanggang Abril 9.

Nagpatupad na rin ang NLEX ng mga hakbang tulad ng counterflow lanes mula Dau hanggang San Fernando, Balagtas hanggang Bocaue Toll Plaza, at mula Ciudad de Victoria hanggang Balintawak. Binuksan din ang halos 30 toll booths sa Bocaue Toll Plaza.

Ayon kay NLEX traffic official Robin Ignacio, mas mababa ng higit 10% ang dami ng sasakyan ngayong taon kumpara noong nakaraang taon.

Sa EDSA naman, sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na 70% nang tapos ang Phase 1 ng EDSA Rehabilitation Project mula Roxas Boulevard, Pasay hanggang Orense, Makati, na target makumpleto sa Hunyo.

Samantala, nakapagtala rin ng katamtaman hanggang mabigat na trapiko sa South Luzon Expressway (SLEX), lalo na sa Sto. Tomas at Calamba exit. Mabigat din ang trapiko sa STAR Tollway northbound sa Sto. Tomas, Batangas bandang alas-4:10 ng hapon.

Pinapayuhan ang mga motorista na maghanda sa posibleng delay at mag-ingat habang patuloy ang pagdami ng sasakyan sa kalsada.

Nagpaalala naman ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa mga motorista na panatilihing malamig ang ulo habang nagmamaneho pabalik sa trabaho matapos ang Semana Santa ngayong taon.

Ayon kay P/Lt. Nadame Malang, spokesman ng PNP-HPG, mahalagang umiwas sa away sa kalsada, lalo na’t inaasahang maraming motorista ang magmamadaling makabalik sa trabaho ngayong Lunes pagkatapos ng bakasyon. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here