Home NATIONWIDE Mga doktor umaasa sa pagbasura ng Dengvaxia cases

Mga doktor umaasa sa pagbasura ng Dengvaxia cases

MANILA, Philippines – Patuloy na umaasa ang mga doktor na magiging maayos ang pagsusuri ng Department of Justice (DOJ) sa ilang pending pa na kaso na may kaugnayan sa Dengvaxia.

Sa pahayag nitong Sabado, Pebrero 1, sinabi ni dating Health Undersecretary Dr. Kenneth Hartigan-Go na nagpapasalamat sila sa “enlightenment” na dala ng mga kaso at nanawagan na tanggalan ng lisensya ang mga “fake expert.”

“Itong issue ay complicated na even mga kasamahan namin na doctor or mga public health specialists ay naghirap sa pagpaliwanag sa publiko… Ang mga nanlinlang, nagsinungaling, at nagpanggap na eksperto at nagkalat ng maling informasyon ay dapat tanggalan ng licensiya at paalalahanan ng kanilang ethical obligation,” ani Go.

Sinabi rin ni Pathologist Dr. Raymund Lo na walang ebidensyang nag-uugnay sa Dengvaxia vaccine sa mga naitalang nasawi.

Ganito rin ang sentimyento ni DOJ Undersecretary Raul Vasquez at sinabing walang “direct causal relationship” sa pagitan ng bakuna at mga namatay.

Sa kabila nito, mayroong ilang salik ang ikinokonsidera para sa case re-evaluation.

“Sa dami kasi, per batch namin ginawa. Nagkataon, nauna itong 98…’yung mga taong ‘yan lang ang nanghingi ng affirmative relief sa batas at sa batas natin, ‘yun lamang mga nanghingi ng affirmative relief ang mabibigyan ng relief,” paliwanag ni Vasquez.

“Sa batas kasi natin, sa criminal procedure, dapat may cause-effect relationship. Be it criminal negligence or intentional acts, merong direct causal relationship,” dagdag pa niya.

“Hindi ito personality-driven, ito ay base sa ebidensya lamang. At kami ay sumunod sa ebidensya, inaral namin ng mainam at ito ay lumabas na hindi masusuportahan ang present evidence… Lahat ng mga ebidensya ay hearsay evidence. Walang personal knowledge.”

Samantala, nagprotesta naman ang mga kaanak ng Dengvaxia victims at hinimok si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na mas busisiin pa ang mga kaso.

Ang protestang ito ay kasunod ng resolusyon ng DOJ na nagbabawi sa kasong reckless imprudence resulting in homicide case na inihain laban kay dating Health Secretary Janette Garin at iba pang sangkot. RNT/JGC