Home NATIONWIDE Mga gabinete patunayang karapat-dapat silang manatili sa PBBM admin – Malakanyang

Mga gabinete patunayang karapat-dapat silang manatili sa PBBM admin – Malakanyang

MANILA, Philippines -KAILANGANG patunayan ng mga cabinet secretary na nagsumite ng kani-kanilang resignation letter na ‘karapat-dapat’ silang manatili sa administrasyong Marcos.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na bagama’t isa-isa ng nagsumite ng kani-kanilang resignation letter ang mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hindi naman maaapektuhan ang serbisyo ng gobyerno sa sambayanang filipino.

“”Maliwanag din po ang sinabi ng Pangulo, hindi po maaapektuhan kung anuman po ang pending at existing projects habang po ito ay may transition at tuloy-tuloy lamang po ang pagtratrabaho ng mga Cabinet secretaries at mga tao sa gobyerno,” ayon kay Castro.

“Mas maganda po ito na mapakita rin ng ating mga heads of agencies, Cabinet secretaries na sila ay naaayon sa goal ng Pangulo. Ipakita nila na sila ay dapat manatili bilang parte ng administrasyon ng ating Pangulo,” dagdag na wika ni Castro.

Sinabi pa ni Castro na ang mga tamad at korap (corrupt) na Kalihim ay walang puwesto sa administrasyong Marcos.

At nang tanungin kung ano ang sukatan ng ebalwasyon, sinabi ni Castro na base ito sa performance ng Kalihim at kung may mga usapin ng korapsyon na kinahaharap ang ahensiya.

“Unang-una, kung gaano nga ba kabilis ang kanilang performance at kung may issue ba ng korapsyon. So hindi lamang performance ‘to, titingnan din po nila kung nagkakaroon pa ng issue ng anomalya sa kanilang paghahandle ng agencies,” ang pahayag ni Castro.

Nauna rito, nanawagan si Pangulong Marcos sa lahat ng miyembro ng kanyang gabinete na magsumite ng kani-kanilang courtesy resignation.

Ito’y isang mapagpasyang hakbang upang muling isaayos ng Pangulo ang kanyang administrasyon kasunod ng resulta ng kamakailan lamang na eleksyon.

Ang request para sa courtesy resignations ay magbibigay ng pagkakataon sa Pangulo na suriing mabuti ang performance ng bawat departamento at tukuyin kung sino ang magpapatuloy na magsilbi sa alinsunod sa ‘recalibrated priorities’ ng administrasyon.

Ang hakbang na ito ay tanda ng malinaw na transisyon mula sa maagang yugto ng pamahahala sa isang ‘more focused and performance-driven approach.’ Kris Jose