NAGPAHAYAG ng suporta si Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia kasama ang kaniyang tatlong grupo ng makabayang Pilipino sa pagpalag ni Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro sa mga tanong na ibinato ng dalawang mataas na opisyal ng militar ng Tsina na maituturing na isang paraan ng pambubully sa isinagawang taunang security forum na ginanap sa Shangri-La hotel sa Singapore.
Ipinahayag ni Chairman Emeritus Goitia ang kanyang suporta, kasama ang kaniyang mga libo-libong miyembro na kumakatawan sa mga grupo ng Alyansa ng Bantay Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement at Peoples Alliance for Democracy and Reform (PADER), na matagal ng nagpapakita ng kanilang pagtutol sa mga agresibong pag-atake ng Tsina sa Pilipinas na maituturing na paglabag sa kasunduang naayon sa pinirmahan sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) noong Disyembre 10, 1982.
Ayon kay Goitia, ang mga binitiwang tanong ng dalawang opisyal ng Tsina ay isang pakana para kay Secretary Teodoro upang magbigay ito ng marahas na tugon sa problema ng maritime dispute sa West Philippine Sea (WPS).
Aniya, hinangaan niya ang katapatan ni Secretary Teodoro sa pagtugon sa mga tanong ng dalawang military opisyal ng Tsina na kung saan ang kanyang pagsagot ay pinalakpakan ng mga dumalo sa forum.
“Ang pagsagot ni Secretary Teodoro ay maituturing na isang hindi direktang pang-iinsulto na nagmula sa isang opisyal na may integridad na katulad niya” ayon kay Goitia.
Idinagdag pa ni Chairman Emeritus Goitia na ang kanilang grupo ay sumusuporta sa pahayag ni Secretary Teodoro na bagamat ang Pilipinas ay kabilang sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ito ay isang sovereign country na may sariling territorial na integridad at soberanya na rumerespero sa UNCLOS.
Idiniin ni Chairman Emeritus Goitia na sobra na ang paglapastangan at pambubully ng Tsina sa ating karapatan dahil sa napakarami ng napaulat na agresibong aksyon ang ginagawa ng Chinese Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas tulad ng water cannon blasting at laser targeting at maging sa mga Pilipinong pangingisda sa karagatan ng Pilipinas ang ikinakabuhay .
Upang ipakita ang kanilang pagkadismaya sa ginagawa ng gobyerno ng Tsina ,pangungunahan ng PADER ang pagsusulong ng ibat-ibang uri ng mass actions sa Mendiola at maging sa harap ng Chinese Embassy sa Makati City samantalang ang dalawang grupo ng ABKD AT FDNY-Movement naman ay magrarally sa harap ng tanggapan ng Department of National Defense (DND).
Matatandaang si Defense Secretary Teodoro angvdumalo sa isang taunang forum na isinasagawa ng International Institute for Strategic Studies (IISS) na inorganisa ng IISS Singapore noong Hunyo 1, 2025. Isa itong taunang forum ng pagtitipon ng mga ministers of defense, matataas na pinuno ng militar at eksperto sa seguridad mula sa mga sa Asian-Pacific region upang talakayin ang mga hamon na kinakaharap ng mga bansa at upang magtatag ng kooperasyon sa paglutas ng mga kaguluhan. RNT