MANILA, Philippines- Naghahanda na ang Philippine National Police (PNP) upang tugunan ang mga bagong hamon sa darating na midterm elections, kabilang ang misinformation at electronic vote-buying, ayon kay PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil nitong Lunes.
Ani Marbil, nakikipagtulungan ang PNP sa Commission on Elections (Comelec) upang talakayin ang vote-buying sa pamamagitan ng e-wallets bilang bahagi ng pagsisikap upang tugunan ang mga tradisyunal na isyu ng “guns, goons, and gold” sa Philippine politics.
“Dati, three Gs lang eh. Ngayon, three Gs and one F – fake news. ‘Yon ang magiging problema natin,” pahayag ni Marbil sa panayam sa Camp Crame.
“Fake news will dictate who will win,” babala ni Marbil. “Kasi talagang siraan ito eh. Paano natin mako-kontrol ‘yan sa media, sa social media, sa internet, sa Facebook natin kung mga maling impormasyon ang pinapalabas nila – destroying others.”
Binigyang-diin din ni Marbil na tutugisin ng PNP ang mga pulis at military personnel na sangkot sa pagsuporta sa mga politiko, bilang bahagi ng kampanya nito laban sa “goons.”
“We will make sure you will not be promoted kapag nagamit ka dito [sa politika]. Gusto namin talaga na ang PNP ay very apolitical,” giit ni Marbil.
“Let us be apolitical. Let’s give dignity to our uniform,” dagdag niya.
Nangunguna rin ang PNP sa Comelec checkpoints upang pairalin ang gun ban sa kasagsagan ng election period. Gayundin, inatasan ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na paigtingin ang operasyon laban sa loose firearms, ayon kay Mabril.
Aniya, paiigtingin ang presensya ng kapulisan sa election hotspots upang panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa eleksyon. RNT/SA