MANILA, Philippines – PINAALALAHANAN ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila ang publiko partikular na ang mga dadalaw sa mga pampublikong sementeryo tulad ng Manila North at South Cemetery na mahigpit nilang ipinagbabawal na dalhin sa kampo santo ang kanilang mga “fur babies” o mga alagang aso at pusa.
Ito ay batay sa inilabas na abiso ng tanggapan ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kjng saan ang huling araw ng paglilinis, pagkukumpuni at pagpipintura ng puntod ay hanggang Oktubre 27 lang, araw ng Lunes, habang ang huling araw ng libing ay Oktubre 28, Martes at ipagpapatuloy na sa Nobyembre 3, araw ng Lunes.
Simula naman ng Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2, 2025 ay ipagbabawal na ang pagpasok ng lahat ng uri ng sasakyan, kabilang na rito ang motorsiklo, e-bike, e-trike, bisikleta, scooter, at maging ng monocycle.
Upang mapanatili na rin ng kaayusan, kalinisan, at kaligtasan ng publiko, mahigpit na ipinagbabawal sa loob ng dalawang Kampo Santo ang pagdadala ng baril, matatalim na bagay tulad ng kutsilyo at cutter, lahat ng uri ng nakalalasing na inumin, alagang hayop, gitara, malalakas na sound system, speaker, at anumang bagay na madaling magliyab tulad ng alkohol at thinner.
Bukas ang dalawang sementeryo mula Oktubre 20 hanggang Nobyembre 2, mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng gabi. JAY Reyes