Home NATIONWIDE Mga isda sa 4 coastal towns ng Cavite, ligtas nang kainin –...

Mga isda sa 4 coastal towns ng Cavite, ligtas nang kainin – BFAR

MANILA, Philippines – Idineklara ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ligtas nang kainin ang mga isda at iba pang produkto mula sa coastal towns ng Naic, Ternate, Kawit at Maragondon sa Cavite matapos na kamakailan ay masalanta ng oil spill.

Sa pinakabagong abiso, sinabi ng BFAR na pumasa sa sensory evaluation ang tatlong magkakasunod na batch ng mga isda at iba pang fishery species na nakolekta sa naturang mga coastal municipalities mula Agosto 7 hanggang 21.

Samantala, tanging dalawa sa magkasunod na batch ng fish samples na nakolekta sa Bacoor, Cavite, Noveleta, Rosario at Tanza mula Agosto 16 hanggang 21 ang nakapasa sa sensory evaluation.

Ang mga isda sa lugar ay maidedeklarang ligtas kainin ng tao kung makapasa ang mga sample nito sa tatlong magkakasunod na batch ng sensory evaluation.

“Based on the stated results, the public is therefore informed that fish from Naic, Ternate, Kawit, and Maragondon in the province of Cavite are now safe for human consumption,” saad sa abiso.

“Conversely, fish from Bacoor City, Cavite City, Noveleta, Rosario, and Tanza, are still not safe for human consumption,” dagdag pa. RNT/JGC