Home NATIONWIDE Mga iskolar sa Cebu, inayudahan ni Bong Go

Mga iskolar sa Cebu, inayudahan ni Bong Go

MANILA, Philippines – Muling iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang buong suporta sa kabataan at sa kanilang edukasyon sa isang mensahe sa pagtitipon ng mga mag-aaral sa kolehiyo mula sa Cebu Technological University – San Francisco Campus sa Cebu.

“Edukasyon ang susi sa mas magandang kinabukasan at ang kabataan natin ang pag-asa ng bayan at mga magiging pinuno ng ating bansa,” paalala ni Go.

Si Senator Go, sa pakikipag-ugnayan sa Commission on Higher Education (CHED), ay naghandog ng scholarship sa mga mag-aaral mula sa Cebu Technological University sa pamamagitan ng Tulong Dunong Program (TDP).

Layon ng CHED-TDP na tulungan ang mga karapat-dapat na Pilipinong mag-aaral sa pagkamit ng kanilang akademikong pangarap, alinsunod sa misyon ng pamahalaan na magbigay ng inklusibo at de-kalidad na edukasyon.

Sa kanyang mensahe sa mga iskolar, binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng edukasyon at hinikayat ang mga estudyante na mag-aral nang mabuti dahil kinakatawan nila ang kinabukasan ng bansa. Kinilala niya ang dedikasyon ng mga iskolar.

“Ang edukasyon ang pundasyon ng pag-unlad ng ating bansa. Matatag akong nakatayo sa likod ng paglago at pag-unlad ng ating mga kabataan, dahil sila ay instrumento sa paghubog ng ating mga magiging pinuno,” ani Go.

“Nananawagan ako ng pagkakaisa at pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng gobyerno, at mga kapwa ko mambabatas na patuloy nating isulong ang mga inisyatiba para sa kinabukasan ng mga kabataan,” dagdag ng senador.

Sa inisyatiba, may kabuuang 45 iskolar din ang nakatanggap ng iba pang anyo ng suporta mula Malasakit Team ni Sen. Go.

Bilang tagapangulo ng Senate Committee on Youth, nangako siyang susuportahan ang mga patakarang hindi lamang magpapalakas sa sektor ng edukasyon bagkus ay maging prayoridad din ang kalusugan at kapakanan ng mga mag-aaral.

“Tulad ng lagi kong paalala sa ating mga kabataan, pumasok sa sports, lumayo sa ilegal na droga upang tayo ay maging malusog at fit!” aniya. RNT