MANILA, Philippines- Pinangunahan nina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan, Vice Mayor Yul Servo Nieto at Manila 2nd District Rolan Valeriano ang “groundbreaking ceremony” sa sampung palapag na college building ng Universidad de Manila sa Vitas, Tondo.
Nabatid na ang nasabing itatayong bagong UdM campus ay may sukat na 1,500 square meter na matatagpuan sa Barangay 101 sa Vitas, Tondo na nasa dating Vitas Skate Park.
Ang Universidad de Manila college building na itatayo sa Vitas ay may 10 palapag, 48 silid-aralan, 15 multi-function rooms, at isang multipurpose gymnasium na may P400 milyon na pondo mula sa Kongreso.
“Nagpapasalamat tayo, una, kay Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo dahil itinakda nila itong lote para sa Tondo campus ng Universidad de Manila sapagkat edukasyon ang pamanang handog nila sa mga kabataan ng Tondo. Walang proyekto kung walang lupang tatayuan ng college building ng UdM,” ayon kay Valeriano na kasalukuyang Chairperson, Committee ng Metro-Manila Development at member ng Committee on Good Government and Public Accountability.
“We also thank House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, Appropriations Committee Chair Elizaldy Co, and our colleagues in the House and the Senate for the literal votes of support that made the P400 million funding possible,” dagdag pa ni Valeriano.
Ipinunto ni Valeriano na ang mga bahagi ng gusali ng kolehiyo ng UdM ay maaaring mapabuti sa paglipas ng mga taon sa pagdaragdag ng higit pang mga pasilidad at serbisyo.
“Ang hangaring ito ng pamahalaang Lungsod ng Maynila ay patuloy na pagbibigay ng mataas na pagpapahalaga sa edukasyon, dahil naniniwala tayo na ito ay pinakamatibay na pundasyon na maibibigay natin sa mga kabataan para sa pagharap nila sa mga hamon sa buhay,” ani Mayora Lacuna. JR Reyes