Home METRO Mga kandidatong suportado ng drug syndicate isuplong – PDEA

Mga kandidatong suportado ng drug syndicate isuplong – PDEA

CEBU CITY – Humingi ng tulong sa publiko ang Philippine Drug Enforcement Agency-Central Visayas (PDEA-7) para iulat ang mga kandidatong tumatanggap ng suporta mula sa mga sindikato ng iligal na droga para sa botohan sa Mayo 2025.

Sinabi ni Leia Alcantara, tagapagsalita ng PDEA-7, nitong Martes na ang mga political aspirants ay nasa ilalim ng mahigpit na monitoring upang matiyak na walang drug money ang nagpopondo sa kanilang kandidatura.

Aniya na hindi papayagan ng gobyerno ang mga indibidwal na may kaugnayan sa iligal na droga na makaimpluwensya sa resulta ng lokal at pambansang halalan.

“Susubukan ng mga sindikato ng droga na impluwensyahan ang resulta ng halalan. Makikipag-ugnay sila sa mga politikong susuportahan nila. Kapag nanalo ang pulitiko, nagkakautang sila sa mga sindikato ng droga,” anang opisyal sa isang media briefing.

Itinuturing ng PDEA ang mga pulitiko na may kaugnayan sa mga sindikato ng droga bilang mga high-value target dahil sa kanilang kritikal na tungkulin sa pagprotekta sa iligal na kalakalan, ani Alcantara.

Tiniyak niya na magiging alerto ang PDEA sa pagsubaybay sa mga operasyon ng iligal na droga na maaaring makaimpluwensya sa resulta ng halalan. RNT