Home METRO Basura palit-pera, pagkain sa Smokey Mountain

Basura palit-pera, pagkain sa Smokey Mountain

MANILA, Philippines – SINABI ng grupo ng non-government organization (NGO) na maaari nang ipagpalit ng mga residente ng Smokey Mountain sa Tondo, Maynila ang kanilang mga ginamit na plastik sa bigas o gulay upang mabawasan ang basura.

Ayon sa Communities Organized for Resource Allocation (CORA) na maaaring dalhin ng mga residente ang kanilang mga recyclable materials tulad ng mga plastic container, glass bottle, lata, papel, scrap metals, at iba pa kapalit ng pera o pagkain sa Eco-Ikot Center.

“Pinag-uusapan parati ang polusyon sa Pilipinas. Gusto nating ipakita na ang Pilipinas ay isa ring lugar ng mga solusyon – simpleng paglinis, paghiwalay. Pwede niyong dalhin dito for e-cash, you can get points, pwede din po kayong makakuha ng bigas, gulay, at iba pa,” said Antoinette Taus, CORA executive director.

Base sa data ng World Bank ay nagpakita na ang Pilipinas ay nag-aambag ng 2.7 milyong tonelada ng plastic waste taun-taon. Sa mga ito, 20% ay matatagpuan sa mga karagatan.

Kaugnay nito tiniyak ng Eco-Ikot Center na tuyo at malinis ang mga naibigay na recyclable.

“Dapat malinis po tsaka di po siya basa. Importante po na tanggalin yung mga tape niya kasi nakakasira po ito sa machine,” said one of the staffers at the center.

Ang mga donasyong scrap ay tinitimbang at may kaukulang puntos kada kilo.

“Ang ating clear PET bottles are P21 per kilo, pero kung ang dala niyo naman ay aluminum nasa P50 per kilo ‘yun,” sabi ni Taus.

Sinabi ng mga residente na malaking tulong para sa kanilang pamilya ang cash o pagkain na kanilang nakukuha kapalit ng mga scrap.

Ang Eco-Ikot Center ay sinusuportahan ng US Agency for International Development (USAID) at Korea International Cooperation Agency. (Santi Celario)