MANILA, Philippines – Nagbabala ang US Embassy sa Pilipinas nitong Miyerkules sa mga American citizen kaugnay ng inaasahang protesta malapit sa embahada sa Huwebes, Abril 9, kasabay ng paggunita sa Araw ng Kagitingan.
Sa inilabas na advisory, sinabi ng embahada na magtitipon ang mga demonstrador sa Kalaw Avenue at tutungo sa embahada sa kahabaan ng Roxas Boulevard bandang 9:30 ng umaga.
“The embassy has not received any credible threats of violence or observed any indications of potential unrest. Protests near the embassy have historically been peaceful,” ayon sa US Embassy.
Pinaalalahanan din ng embahada ang mga American citizen na umiwas sa mga political demonstration at malalaking pagtitipon, at iginiit na ang mga dayuhang mapatutunayang lumalahok sa protesta ay maaaring ituring na lumalabag sa kanilang immigration status.
Sinabi rin ng US Embassy na sarado ito sa Huwebes at walang operasyon bilang pagtalima sa regular holiday ng Araw ng Kagitingan. RNT