CEBU CITY – Nagpahayag ng suporta ang mga kilalang politiko sa Cebu kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng kanyang pag-aresto ng International Criminal Court (ICC), habang itinaas sa heightened alert ang Police Regional Office-Central Visayas (PRO-7) dahil sa mga nagaganap na tensyon.
Kinuwestyon nina dating alkalde Jonas Cortes ng Mandaue City at Michael Rama ng Cebu City ang legalidad ng pag-aresto kay Duterte, na ayon kay Cortes ay dapat dumaan sa tamang proseso at paghusga ng korte.
Pinagdudahan din ni Regal Oliva, kandidato sa Kongreso at dating treasurer ng Mandaue City, ang hurisdiksyon ng ICC, lalo’t umatras na ang Pilipinas sa naturang korte noong 2019.
Kinondena ni Rama ang pag-aresto at tinawag itong “matinding pag-atake sa demokrasya,” inihalintulad pa niya ito sa pagpaslang kay dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. noong 1983.
Nagtipon ang mga tagasuporta sa isang candle-lighting vigil sa Plaza Independencia noong Martes ng gabi. Nanawagan naman si Cebu gubernatorial candidate Pamela Baricuatro ng panalangin para kay Duterte.
Bilang tugon, itinaas ng pulisya ang alerto, pinalakas ang pagpapatrolya, at naghanda para sa posibleng pagdaraos ng mga kilos-protesta. RNT