Home NATIONWIDE Mga kliyente ‘di dapat magdusa sa kapalpakan ng abogado – SC

Mga kliyente ‘di dapat magdusa sa kapalpakan ng abogado – SC

MANILA, Philippines – Iginiit ng Korte Suprema na hindi tama na ang mga kliyente ang magdusa sa mga pagkakamali ng kanilang mga abogado lalo na kung mapagkakaitan sila ng hustisya.

Sa desisyon ng Third Division ng Korte Suprema, pinagbigyan ang petisyon ng isang grupo ng mga manggagawa laban sa pagsantabi ng Court of Appeals (CA) sa hiling nilang dagdag na panahon para maghain ng kanilang pleading matapos itong hindi magawa ng kanilang abogado.

Naghain sa Labor Arbiter at National Labor Relations Commissions ng kasong illegal dismissal laban sa kanilang employer ang mga manggagawa ngunit ito ay ibinasura kaya inakyat nila ito sa Court of Appeals kung saan may 60 na araw o hanggang Disyembre 10, 2022 para maghain sila ng petition for certiorari.

Sa kabila ng kanilang pakikipag-usap at pagbigay ng bayad sa abogado, nabigo itong maghain ng petisyon.

Kaya muli silang humingi ng 30 araw o hanggang Enero 10, 2023 para makahanap ng bagong abogado at makapaghain ng kanilang petisyon.

Tinanggihan ng CA ang kanilang hiling at ibinasura ang kanilang petition na naisumite nila sa tulong ng bagong abogado noong Enero 10, 2023.

Sa pagpanig sa mga manggagawa, nilinaw ng Korte Suprema na sa kabila ng 60 na araw na deadline, maaari itong magbigay ng palugit kapag may mga matibay na dahilan.

Sa pangkalahatan, tali ang mga kliyente sa kilos ng kanilang abogado maliban kung ang pagpapabaya ng abogado ay lalabag sa due process o kaya ay magdudulot ng pagkawala ng kalayaan o ari-arian ng kliyente.

Sa kasong ito, ang mga manggagawa na sumasahod lang ng minimum wage at limitado lang ang malalapitan para sa serbisyong legal ay tinalikuran ng kanilang abogado. Hindi sila agad makakahanap ng bagong abogado.

Dahil dito, sinabi ng Korte Suprema na dapat dinggin ng CA ang kanilang kaso, at idiniin ang prisipyo na ang batas ay dapat proteksyunan ang mga mahihina at walang kapangyarihan. Inutusan ng Korte Suprema ang CA na desisyunan ang kaso base sa merito nito.

Inutusan din ang Commission on Bar Discipline ng Integrated Bar of the Philippines para imbestigahan ang ginawa ng abogado para sa posibleng administratibong kaso na kahaharapin nito bilang miyembro ng Bar. TERESA TAVARES