Home NATIONWIDE Mga kulungan sa bansa napabayaan na – Catapang

Mga kulungan sa bansa napabayaan na – Catapang

MANILA, Philippines – Aminado ang hepe ng Bureau of Corrections na napabayaan na bunsod ng hindi maayos na pasilidad ng kulungan.

Sa kanyang 2024 performance report, sinabi ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Catapang Jr. na 50 taon ng napabayaan ang mga kulungan sa bansa, kung saan ang pinakahuling ipinatayong pasilidad ng gobyerno ay noon pang 1973.

Aniya, ang talagang kapasidad lamang ng New Bilibid Prisons ay 12,000 ngunit ang kasalukuyang populasyon ng persons deprived of liberty (PDL) ay nasa 55,000.

Ngayon lamang aniya sa Marcos administration nagsimulang tugunan ang mga isyu sa Bucor hindi lamang sa mga pasilidad kundi pati na rin sa problemang pangkalusugan ng mga PDL, kung paano makontrol ang mga ito, safekeeping at programa para sa reporma ng bawat nakapiit sa mga kulungan.

Mayroong pitong penal system sa buong bansa na ang angkop lamang para sa 12,000 populasyon subalit sa ngayon ani Catapang ay sobra-sobra dahil inabot na ng 55,000 ang populasyon.

Sinabi ni Catapang na ang New Bilibid Prison ang pinakamalaking prison compound sa buong mundo at bahagi ng kanilang programa ay i-decongest o paluwagin ang mga ito dahil sobra -sobra sa bilang ang mga nakakulong na PDLs. Teresa Tavares