Home NATIONWIDE VP Sara, hindi magbibitiw sa puwesto sa gitna ng impeachment

VP Sara, hindi magbibitiw sa puwesto sa gitna ng impeachment

MANILA, Philippines – HINDI kailanman sumagi sa isip ni Vice President Sara Duterte na magbitiw sa puwesto sa gitna ng impeachment complaints na isinampa laban sa kanya.

“Wala pa tayo doon. masyado pang malayo ‘yung mga ganyan na mga bagay,” ang sinabi ni VP Sara sa isang press conference.

Tiniyak din ni Duterte na “okay” siya matapos ihain ang impeachment complaint laban sa kanya.

Sa ngayon ay kinonsulta na niya ang kanyang mga abogado sa bagay na ito.

“Ang tanging masasabi ko na lamang sa puntong ito ay God save the Philippines.” ang sinabi ni VP Sara.

“Bukod dito, nais ko na lang ipaabot ang aking taos pusong pasasalamat sa mga kababayan na patuloy nagdarasal, sumusuporta, nagtitiwala at patuloy na nagmamahal sa akin. Manalig kayo dahil sa taong bayan ang tagumpay,” ang sinabi pa rin ni VP Sara.

Sinabi pa ni VP Sara na nagsimula na siyang maghanda para sa impeachment proceedings simula pa noong November 2023, nang ilantad ni House Deputy Minority Leader and ACT Teachers party-list Rep. France Castro ang planong sampahan siya ng reklamo.

“So November of 2023, there were already lawyers doing their work for the impeachment. We leave it to the lawyers,” ang sinabi ni VP Duterte.

“I’m okay,” diing pagtiyak ni VP Sara.

Si Duterte ay in-impeach ng Mababang Kapulungan ng Kongreso araw ng Miyerkules para sa “violation of the constitution, betrayal of public trust, graft and corruption, and other high crimes”.

Kailangan na magpulong ng Senado para litisin si VP Sara. Kapag napatunayang nagkasala, aalisin siya mula sa puwesto at pagbabawalan na tumakbo sa anumang public office.

“I have not talked to my friends in the Senate,” ang sinabi ni VP Sara.

Nauna rito, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na walang papel ang Ehekutibong sangay ng pamahalaan sa 4th impeachment complaint na isinampa laban kay Vice-President Sara Duterte.

Sa press conference ni Pangulong Marcos sa Kalayaan Hall, sa Palasyo ng Malakanyang, araw ng Huwebes, Pebrero 6, sinabi ng Chief Executive na malabong makialam ang Malakanyang sa usaping ito dahil constitutional mandate aniya ng Kongreso ang ituloy ang impeachment complaints.

No. the executive cannot have a hand in the impeachment. Walang role ang executive sa impeachment. Of course, did we discuss it with the Speaker, did we discuss it with the other congressmen? Of course. And that tinatanong, anong plano ninyo? Ano ba talagang gusto ninyong gawin? And the – nandito na ito, hindi na namin maiwasan,” diing pahayag ng Pangulo.

Kris Jose