Home NATIONWIDE Mga labi ng 2 Pinoy crew ng MV True Confidence dumating na...

Mga labi ng 2 Pinoy crew ng MV True Confidence dumating na sa Pinas

MANILA, Philipines- Dumating sa bansa ang mga labi ng dalawang Filipino crew members na nasawi sa Houthi attack sa bulk carrier MV True Confidence nitong Martes, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Personal itong tinanggap ng mga kaanak sa Ninoy Aquino International Airport Cargo Area sa tulong ng OWWA, Department of Foreign Affairs, Department of Migrant Workers, at kanilang manning agency.

Binigyan din sila ng kinakailangang tulong at sinamahan sa kanilang mga tahanan.

“Nagtulong-tulong ang DFA, DMW, kanilang manning agency at OWWA upang maproseso ang pagpapauwi ng mga labi ng dalawa nating kababayan na biktima ng karahasang ito ng mga Houthi,” pahayag ng OWWA.

Matatandaang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang patuloy na tulong para sa mga pamilya ng mga nasawing marino.

Noong Marso 6, tinamaan ang bulk carrier MV True Confidence ng missile sa Gulf of Aden  Red Sea.

Patay sa pag-atake ang dalawa sa 15 Filipino seafarers na sakay ng barko. RNT/SA