Home NATIONWIDE Mga magsasaka, mangingisda pinuri ni PBBM sa Filipino Food Month

Mga magsasaka, mangingisda pinuri ni PBBM sa Filipino Food Month

MANILA, Philippines – PINURI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga magsasaka, mangingisda at mga naging bahagi ng food industry para sa kanilang pagsisikap na tiyakin na mayroong pagkain sa hapag o lamesa.

Sinabi ito ng Pangulo sa kanyang naging talumpati sa pambansang paglulunsad ng Filipino Food Month.

“Sa buwan na ito, huwag din po nating kalimutan na sa bawat na masarap na putahe ay may mga kamay na nagtitiyaga upang tayo ay may maihain sa ating mga mesa,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

“Sila ang ating mga magsasaka, ang ating mga mangingisda, ang ating manggagawa sa industriya ng pagkain. Maging ang ating paboritong kusinero sa karinderya ay ating purihin at pasalamatan,” aniya pa rin

Winika pa ng Panglo na gagawin ng pamahalaan ang lahat ng makakaya nito upang tiyakin na ang mga filipino ay mabibigyan ng sapat at abot-kayang pagkain.

“Ang bawat ulam na kanilang hinahanda ay may katumbas na sipag at tiyaga,” ang sinabi pa ni Pangulong Marcos.

“Kaya naman ang pamahalaan ay patuloy na gumagawa ng mga hakbang upang masiguro na may sapat at murang pagkain para sa bawat Pilipino,” dagdag na wika nito.

Samantala, sa bisa ng Presidential Proclamation No. 469 na nilagdaan noong 2018, ang Abril ng bawat taon ay idineklara bilang Buwan ng Kalutong Pilipino.

Nagsanib-puwersa ang Department of Agriculture (DA), Department of Tourism (DOT), National Commission for Culture and the Arts (NCCA), at Philippine Culinary Heritage Movement (PCHM) para pamunuan ang isang buwang selebrasyon na may temang “Pagkaing Pilipino, Susi sa Pag -unlad at Pagbabago.”

Ang pambansang pagdiriwang ay naglalayon na pahalagahan, pangalagaan, itaguyod, at tiyakin ang paghahatid ng malawak na tradisyon at kayamanan sa pagluluto ng mga Pilipino sa susunod na henerasyon at suportahan ang iba’t ibang industriya, magsasaka, at agri-community.

Ang pagbubukas ng seremonya para sa Buwan ny Kalutong Pipino ay ginanap kamakailan sa makasaysayang Metropolitan Theater. Ipinalabas ito noong Abril 1, 2022 (Biyernes, 3PM) sa mga social media pages ng mga nangungunang ahensya tulad ng DA, DOT, NCCA, PCHM gayundin sa Facebook pages ng Met , PCOO, RTVM, at PTV.

Ang seremonya ay dinaluhan ng mga opisyal mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, local government units, pribadong sektor, at media.

Ang mga pinuno ng mga nangungunang ahensya ay naghatid ng mga mensahe bilang suporta sa pagdiriwang.

Maliban dito, nasaksihan din ang mga pagtatanghal mula sa iba’t ibang artista tulad nina Lara Maigue na kinanta ang “Sa Kabukiran”, Arman Ferrer na inawit ang “bahay Kubo”, at nagsi-sayaw ang Sindaw Philippines, at Halili-Cruz School of Ballet.

Si Issa Litton ang host ng seremonya. Itinampok din dito ang mga higante ng Angono, Rizal at mga food booth ng apat na nangungunang ahensya. Kris Jose