MANILA, Philippines – Sa harap ng panibagong insidente ng road rage na ikinasawi ng isang rider at ikinasugat ng tatlo iba pa, isinusulong ni San Jose del Monte Rep Rida Robes na masertipikahan bilang “urgent” ang panukala upang maipasa bago ang pagtatapos ng 19th Congress.
Ang House Bill No. 1511 ay inakda ni Robes, maliban dito, lima pang parehong panukala ang naihain sa Kamara.
“Meron na po tayong substitute bill. So we’re just waiting for the committee report na mailabas at mapag-aralan kasi pinag-aaralan ‘yun ng legislation…. Pinag-aaralan ‘yan bago ilabas sa aming committee. Consider it done, meron na ito eh. Wala na tayong problema may substitute bill na,” paliwanag ni Robes.
Aniya, mahalaga na mayroon nang batas sa road rage upang mabawasan ang mga insidente ng awayan sa kalsada.
Ilan sa prohibited acts sa ilalim ng substitute bill ay pagbabawal na pagmumura o anumang verbal insults, anumang uri ng physical attack at pagbabanta.
Sa ilalim ng panukala ni Robes ay anim na buwang pagkakakulong ang maaaring ipataw at multa na hindi bababa sa P250,000.
Babawiin din ang drivers license at hindi maaaring makapagrenew sa loob ng susunod na limang taon. Gail Mendoza