MANILA, Philippines — Naghain ng reklamong land-grabbing ang mga magsasaka mula sa Bataan nitong Lunes laban sa ilang indibidwal, kabilang si Harry Roque, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon kay Palmer Mallari, tagapagsalita ng NBI, sisimulan muna ng ahensya ang pagkuha ng mga nakasulat na pahayag mula sa mga magsasaka at kolektahin ang kaugnay na rekord mula sa Department of Agrarian Reform at Registry of Deeds.
“Sa dulo na po ipapatawag si Attorney Roque,” ani Mallari.
Si Roque, na umano’y naghahanap ng asylum sa Netherlands, ay hindi pa nakabalik sa Pilipinas.
Nahaharap din siya sa kasong qualified human trafficking kaugnay ng Lucky South 99 Philippine Offshore Gaming Operator firm, at nakansela ang kanyang pasaporte noong Nobyembre 2025. Dave Baluyot