Home NATIONWIDE Mga magsasakang apektado ng El Niño tatanggap ng credit assistance, insurance

Mga magsasakang apektado ng El Niño tatanggap ng credit assistance, insurance

MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Agriculture (DA) na magbibigay ang pamahalaan ng credit at insurance assistance sa mga magsasaka at mangingisda na apektado ng El Nino phenomenon.

Ayon kay DA spokesperson Assistant Secretary Arnel De Mesa, nasa P500 milyong credit assistance ang ipagkakaloob sa mga magsasaka at mangingisda para makarekober sa epekto ng tagtuyot.

Nasa P1.8 billion ng insurance claims din ang ipamamahagi sa mga apektadong magsasaka at mangingisda.

Aabot sa P25,000 credit assistance ang ibibigay sa bawat apektadong magsasaka o mangingisda at maximum na P20,000 insurance claims.

“Ang gobyerno natin ay naglaan na ng PHP500 million na credit assistance. This is PHP25,000 per affected farmer and fisher and then ‘yung ating insurance claims about PHP1.8 billion maximum of PHP20,000 (each) ang pwedeng ipamahagi,” ani De Mesa.

Dagdag ng opisyal, inihahanda na rin ng DA ang distribusyon ng P5,000 financial assistance sa mga magsasaka ng bigas, at P3,000 fuel subsidy sa mga magsasaka at mangingisda sa ilalim ng national budget.

“Pinabilis din namin iyong pagbibigay ng PHP5,000 doon sa rice farmers financial assistance plus iyong PHP3,000 na fuel subsidy na nasa general appropriations.”

Hanggang noong Pebrero 25, naitala sa P357.4 milyon ang pinsala sa agrikultura dahil sa El Nino, karamihan ay mga sakahan sa Mimaropa, Western Visayas, at Zamboanga Peninsula Regions.

Apektado naman nito ang 7,668 magsasaka. RNT/JGC