Home NATIONWIDE Mga mambabatas, rumesbak sa muling pagpapasaklolo ni VP Duterte sa SC

Mga mambabatas, rumesbak sa muling pagpapasaklolo ni VP Duterte sa SC

123
0
(c) Remate File Photo

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pagkadismaya ang ilang mambabatas sa ginawang pagsaklolo muli ni Vice President Sara Duterte sa Korte Suprema at pagkuwestiyon sa legalidad ng impeachment proceedings na isinasagawa ng House Committee on Justice.

Para kay House Deputy Minority Leader at Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña, malinaw na walang karapatan si Duterte na asamin na maging Pangulo ng bansa kung ngayon pa lamang ay tinatakbuhan nito ang mandato sa ilalim ng Konstitusyon.

“Wala siyang karapatan na mag-aspire for a higher position kung dito pa lamang bilang Bise Presidente, hindi na niya kayang gawin yung kanyang constitutional mandate. Malinaw yung pananagutan natin sa taumbayan, in the same way na sana malinaw kay VP Sara yung pananagutan niya sa taumbayan,” paliwanag ni Cendaña.

Aniya, kung walang kasalanan si Duterte ay hindi ito matatakot na harapin ang mga akusasyon laban sa kanya na nakapaloob sa impeachment complaint.

Para kay Cendaña, pagpapakita ng “desperation” ang pagsaklolo muli ni Duterte sa SC.

Gayundin ang pahayag ni ML Party-list Rep. Leila de Lima. Aniya, ang SC ay hindi “Sara’s Court.”

“Akala siguro nila yung SC ay ‘Sara’s Court’ na puwede nilang laging takbuhan para pagtakpan ang kaduwagan at pagtakas sa pananagutan,” ani de Lima.

Sinabi naman ni House Committee on Public Accounts chairman at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na ang ginawang pagsaklolo ni Duterte sa SC ay malinaw na paglilinlang sa hukuman at sa taumbayan.

Iginiit ni Ridon na sinunod ng Kamara ang proseso sa impeachment case ni Duterte hanggang sa makarating ito sa House Committee on Justice, na sa ngayon ay nagsasagawa ng pagdinig upang alamin kung may probable cause ang reklamo para aprubahan ito at iakyat sa paglilitis.

Nanindigan si Ridon na walang nilabag ang Kamara sa impeachment process, kasama na rito ang pagpapalabas ng subpoena para sa mga ebidensya na may kaugnayan sa impeachment.

“There is no violation of the One-Year Bar. The authority of the House Committee on Justice to conduct hearings, issue subpoenas, and gather evidence is firmly grounded in the Constitution, the House Rules on Impeachment, and established jurisprudence,” paliwanag ni Ridon.

Sa 58-pahinang petition for certiorari and prohibition na inihain sa SC, iginiit ni Duterte na ideklarang void ab initio ang impeachment case laban sa kanya dahil lumabag umano ito sa Konstitusyon.

Una sa kanyang argumento, hindi buong Kamara ang umakto sa kanyang impeachment bagkus ang House Committee on Rules lamang, na aniya’y paglabag sa Section 3(2), Article XI ng Constitution, at lumabag din sa one-year ban rule ang isinampang complaint. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here