Home NATIONWIDE Mga may-ari ng mga barkong sangkot sa Bataan oil spill maaring kasuhan...

Mga may-ari ng mga barkong sangkot sa Bataan oil spill maaring kasuhan sa ‘oil smuggling’

MANILA, Phlippines- Malaki ang posibilidad na sangkot sa oil smuggling o paihi ang tatlong barko na magkakasunod na lumubog nitong Hulyo 24 sa Bataan.

Kinumpirma ni Justice Undersecretary Raul Vasquez na iniimbestigahan na ng inter-agency task force ang posibilidad na kasuhan ng oil smuggling ang mga barkong sangkot sa Bataan oil spill.

Sa ilalim ng paihi system, ang dala na langis ng malaking barko ay inililipat sa mas maliit na vessel para makaiwas sa pagbabayad ng malaking buwis.

Nagpulong nitong Martes ang inter-agency task force sa Department of Justice kasama ang National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Coast Guard at Maritime Industry Authority.

Hulyo 24 nang magkakasunod na nasangkot sa maritime incidents ang MT Terranova, MTKR Jason Bradley at MV Mirola 1. Ang MT Terranova ay may dalang 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil.

“Hindi natin dinidiscount mga probable criminal libailities dyan kasi parte ng imbestigasyon lahat at yun ang instruction namin titignan kung meron bang koneksyon nung pagkakaroon ng paglubog ng tatlong barko na halos magkalapit lapit lang at saka mga red flags na nakita namin na pinupursue ng NBI kasama na yung PCG at marina. Ang maganda dito ay yung tatlong ahensya na yan aynagtutulungan na at nagshishare ng data at information tungkol sa mga bagay bagay,” ani Vasquez.

Isa pa sa nagpaigting sa posibleng oil smuggling ay ang dating pagkakasangkot ng MTKR Jason Bradley sa kaso ng oil smuggling.

“In fact meron syang seizure order nga from customs dahil involve na ito sa isang kaso before na pending dito sa amin, yan ay dahil sa oil smuggling, yan ay ayon sa imbestigasyon ng NBI nung vinerify nila ang mag records. So parang meron, sabihin na lang natin, history na ganyang kasi. meron ding raw data sila na tinitignan yung anggulo na pati yung MIROLA 1 ay involved din sa mga illegal activites,” dagdag ni Vasquez. Teresa Tavares