MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Linggo na dapat sumailalim sa rehabilitasyon at pagpapayo ang mga menor de edad na sangkot sa marahas na protesta laban sa katiwalian noong Setyembre 21.
Naglabas ng pahayag si PNP acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. kasunod ng pagpapalaya sa 55 menor de edad at 25 nasa hustong gulang na nahuli sa mga demonstrasyon.
“The PNP respects due process and the rule of law. The release of the minors and adults involved was in accordance with established legal procedures, particularly the provisions of the Juvenile Justice and Welfare Act,” saad ni Nartatez sa isang press release nitong Linggo.
Siniguro aniya ng PNP na ang mga nahuli ay nai-turn over sa mga kaukulang awtoridad, at ang kaligtasan at karapatan ng lahat ng sangkot ay protektado.
Sinabi ni Mayor Isko Moreno noong Sabado na ni-refer ng prosecutor ang mga kaso ng 55 “children in conflict with the law” sa Manila Department of Social Welfare, na nangangailangang sumailalim sa community service sa pamamagitan ng pagsali sa mga cleanup drive bilang bahagi ng kanilang “rehabilitation, reintegration and diversion.”
Sinabi ni Nartatez na bagama’t kailangang panindigan ang pananagutan, bahagi rin ng proseso ang rehabilitasyon at tamang paggabay.
Hinimok ng PNP ang mga magulang, tagapag-alaga at lokal na opisyal na gumanap ng aktibong papel sa paggabay sa mga kabataan at pag-iwas sa mga katulad na insidente sa hinaharap.
Para sa 25 na nasa hustong gulang, inutusan ni Nartatez ang mga imbestigador na makipag-ugnayan sa mga prosecutor upang matiyak na masampahan ng maayos na kaso at sinusuportahan ng kumpletong dokumentasyon. RNT/MND