MANILA, Philippines – Istranded ng ilang oras ang mga motorista sa North Luzon Expressway (NLEX) sa bahagi ng San Simon, Pampanga dahil sa pagbaha.
Ayon kay NLEX vice president for traffic operations Robin Ignacio, mabilis na tumaas ang baha sa mga lugar sa labas ng expressway at kalaunan ay naapektuhan na ang mismong kalsada.
Nagsimula ang pagbaha noon pang Biyernes ngunit lumala pa nitong weekend.
“Towards itong weekend hanggang kahapon medyo tumaas po yung tubig kaya lalo pong nahihirapan ‘yung ating mga sasakyan na dumaan po dyan sa portion ng expressway na yan,” sinabi ni Ignacio sa panayam ng GMA News.
“Meron po tayong mga sandbagging na po dyan sa tabi para makapag-pump out po ng tubig para mapanatiling kahit papaano ay mas mababa ang tubig dito sa loob kaysa sa labas ng expressway,” dagdag pa niya.
Sa huling update, ang dulo ng daloy ng trapiko pa-northbound ay umabot na sa Candaba o mahigit pitong kilometro.
Ang southbound traffic naman ay mayroong lima hanggang anim na kilometro.
Ani Ignacio, ang Class 1 vehicles ay pinadaraan sa innermost lane habang ang mga truck at bus ay pinapayagang makadaan sa ikalawang lane. RNT/JGC